Nilinaw ng ilang senador na wala umanong usaping pampolitika ang naungkat sa kanilang “dinner” kasama ang kanilang mga asawa sa Bahay Pangulo kasama sina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. at First Lady Liza Araneta Marcos.
Ayon sa ulat ng GMA News Online nitong Miyerkules, Enero 15, 2025, iginiit ni Senate President Chiz Escudero na parte lamang daw ng seasonal gathering ang naging pagsasalo-salo ng ilang mga senador sa Bahay Pangulo kasama sina PBBM at LF Liza.
“It was purely socials and part of the regular/seasonal gathering between the members of the Senate and the President," ani Escudero sa pamamagitan ng Viber message.
Itinanggi naman ni Sen. JV Ejercito na may naungkat daw na usaping politikal at aniya’y “purely socials” lamang daw ang kanilang naging pagsasama-sama.
“Not at all. Purely socials. We didn’t even discuss any political issue,” saad ni Sen. Ejercito.
Ganito rin ang naging tugon ni Sen. Koko Pimentel at iginiit na hindi raw naimpluwensyahan ng kahit na ano ang kanilang dinner night kasama sina PBBM.
“Not pre-determined or influenced by any other event,” giit ni Sen. Pimentel.
Matatandaang nangyari ang naturang dinner night noong Enero 13, kung saan dinaluhan ito ng mga senador na sina Bong Revilla, Francis Tolentino, Lito Lapid, Sherwin Gatchalian, Raffy Tulfo, Joel Villanueva, Mark Villar, Jinggoy Estrada, Francis Escudero, Cynthia Villar, Alan Peter Cayetano, Koko Pimentel, Juan Miguel Zubiri, Loren Legarda, at Robin Padilla.
Samantala, naglabas naman ng pahayag ang kapatid ni PBBM na si Sen. Imee Marcos at isinawalat na hindi raw siya nakatanggap ng anumang imbitasyon.
KAUGNAY NA BALITA: Imee Marcos, 'di nakatanggap ng imbitasyon para sa dinner sa Bahay Pangulo
Giit naman ni Sen. Escudero: “To my knowledge, all members were invited but you have to ask the Palace Protocol to confirm because they were the ones that sent the invites and am just a mere invitee.”