January 15, 2025

Home FEATURES Human-Interest

AI software na detector ng bara sa puso, inimbento ng Grade 11 students

AI software na detector ng bara sa puso, inimbento ng Grade 11 students
Photo courtesy: Kenzo Miguel P. Tayko (FB)/Canva

Isang makabago at makabuluhang teknolohiya ang naimbento ng Grade 11 students mula sa Quezon City Science High School na may kakayahang matukoy ang plaque buildup sa puso gamit ang artificial intelligence.

Tinawag nila itong “PINTIG.”

Ang PINTIG software developers ay sina Kenzo Miguel P. Tayko, Christian Klyde R. Escinares, Crista Venice M. Bernal, Mary Amanda P. Sante, Mary Faith L. Madrazo, Lance Paul L. Luistro, Sheon Bradly F. Basilio, Jed Argylle G. Noche, Ayanna Michaella C. Girao at Timothy Daniel G. Manalastas kasama ang kanilang research adviser na si Mr. Earl Francis C. Merilles.

Ang PINTIG o “Preemptive Identification Of Neointimal Tissue In Imaging For Gleaning Atherosclerotic Plaques”, ay nagbibigay ng mas mabilis at mas tumpak na pagsusuri mula sa larawan ng CT scan.

Human-Interest

'National Rally for Peace,' extra income para sa ilang street vendors sa Maynila

Ayon sa ulat ng “24 Oras” Game Changer segment noong Lunes, Enero 6, layunin ng PINTIG na gawing mas abot-kaya at mas maagang matukoy ang mga sintomas ng atherosclerosis o pagbara sa ugat ng puso na karaniwang dulot ng labis na pagkain ng matatabang pagkain.

“Ang problema po with our current landscape, it can only be detected during its advanced stage at ang mahirap pa po to actually mitigate it. You have to go through a series of invasive surgeries that may not just actually damage the structure of the patient and pose expensive cost,” paliwanag ni Kenzo Miguel Tayko, isa sa mga developer ng software.

Ang PINTIG ay may kakayahang suriin at i-highlight ang mga atherosclerosis plaque mula sa mga CT scan images ng pasyente. Sa tulong ng programming at machine learning, ang software ay may hanggang 98% accuracy na base sa 14,000 data sets mula sa 200 pasyente.

“PINTIG actually translates or examines each of the pixels of the images as small as 50 micrometers—something that is not visible to the naked eye,” dagdag ni Kenzo.

Upang magamit ang PINTIG, kailangang maging rehistradong pasyente sa lehitimong ospital. Ang larawan ng puso mula sa CT scan ay maaaring i-upload sa “Run Image Analysis” ng software, at sa loob lamang ng ilang segundo, malalaman na kung may CAD plaque o wala ang puso ng pasyente.

Dahil sa inobasyong ito, nanalo ang grupo ng unang pwesto sa Robotics Intelligent Machines sa nakaraang Regional Science and Technology Fair. Balak din nilang isailalim ang PINTIG sa clinical trials katuwang ang Philippine Heart Center upang mas mapalawak pa ang aplikasyon nito sa larangan ng medisina.

Sa eksklusibong panayam ng Balita, mas detalyadong ibinahagi ng grupo nina Tayko ang kanilang inspirasyon, hamon, at mga pangarap para sa kanilang proyekto.

Ang makabagong inisyatibang ito ay naglalayong gawing mas mabilis, tumpak, at abot-kaya ang pagsusuri ng atherosclerotic plaque, isang pangunahing sanhi ng cardiovascular disease.

Ang Simula ng PINTIG

Mula sa brainstorming sa kanilang eskuwelahan, inilahad ng grupo ang kanilang proseso sa pagpili ng adbokasiya. Bagama't una nilang balak ay magtuon sa environmental science, nagbago ang direksyon nila patungong healthcare dahil sa personal na karanasan ng kanilang mga pamilya sa heart problems.

“Kasi stemming na rin from our individual experiences. Some of our families kasi experience heart problems and issues. From there naisip namin na bakit hindi kaya, why dont we focus on this one prevalent issues in the Philippines,” anila.

Sa paggamit ng Artificial Intelligence (AI), nais nilang i-automate ang proseso ng pagsusuri ng heart plaque upang maibsan ang trabaho ng mga healthcare professional at gawing mas abot-kaya ang serbisyo.

Hamong hinaharap ng grupo sa Teknolohiya

Kinaharap ng grupo ang mga teknikal na hamon sa programming at machine learning ng software. Ang kawalan ng sapat na data sets at gabay mula sa mga eksperto ang ilan sa pinakamalaking balakid.

“Don't settle with mediocre works po but rather we really strive hard po to always do the best thing po that is available.

“We're almost dapat susuko na kami, kasi you know even in the 5th month of our development, wala talagang we weren't able really to connect with such professionals, we were not able to confirm if what we've been doing is right but through that constant effort everytime we're trying to look for those people to talk with to collaborate with,” pagbabahagi nila.

Sa tulong ng mga consultant mula sa mga unibersidad tulad ng UP, Ateneo, at La Salle, unti-unti nilang naitama ang direksyon ng proyekto.

Etika at seguridad sa pag-aaral

Pagdating sa data privacy, tiniyak ng grupo ang pagsunod sa batas. Ang kanilang data ay mula sa Mendeley Data, isang open-source repository.

“Hindi po kami gumamit ng data set from any hospital without their prior approval. To ensure po, we underwent further anonymization process,” sabi nila.

Mayroon din silang sertipikasyon mula sa National Privacy Commission para tiyaking ligtas ang mga impormasyon.

Ang Hinaharap ng PINTIG

Matapos ang clinical trials, umaasa ang grupo na magiging bahagi ng sistematikong pagbabago sa healthcare ang PINTIG.

“We are aiming din po to expand our partnerships with the institutions, hospitals and professionals para marami pa po ang magka-access to PINTIG and quick accessible technology din po magiging mas madali po ang pagsusuri sa pagkakaroon plaque that will help po para maagapan yung mga sakit before pa po ito magdulot ng malubhang mga komplikasyon,” anila.

Layunin nilang gawing mas abot-kaya ang teknolohiya upang matulungan ang mga ordinaryong Pilipino, partikular ang mga nasa working class.

Mensahe sa Kabataan

Sa huli, nag-iwan ng inspirasyon ang grupo sa kanilang mga kapwa estudyante.

“Definitely do it from the heart kasi nothing beats the passion and sincerity if it comes from the heart. If you have the fire within you to make a change and chase that dream endlessly,” payo nila.

Anuman ang larangang nais pasukin, mahalagang manindigan para sa isang layuning hindi lamang para sa sarili kundi para rin sa kapakanan ng iba.

Ibinahagi rin ng apat na developers na plano nilang kumuha ng kursong Medisina at Public Health sa kolehiyo. Mas lalo pa silang na-inspire na tahakin ang medisina matapos nilang maisagawa ang kanilang PINTIG research.

Ang tagumpay ng PINTIG ay patunay na hindi hadlang ang edad sa paggawa ng makabuluhang pagbabago. Sa pagsasama ng dedikasyon, teknolohiya, at malasakit, ang kabataan ay maituturing na pag-asa ng makabagong lipunan.

Mariah Ang