January 15, 2025

Home BALITA Eleksyon

6 na milyong printed ballots, na aabot sa halagang ₱132M, masasayang!

6 na milyong printed ballots, na aabot sa halagang ₱132M, masasayang!
photo courtesy: Manila Bulletin

Aabot sa anim na milyong balota na natapos nang iimprenta ng Commission on Elections (Comelec), para sa 2025 National and Local Elections (NLE), ang mababalewala at masasayang lamang.

Ito'y matapos na magpalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) laban sa diskuwalipikasyon ng limang kandidato na sina Subair Guinthum Mustapha, Charles Savellano, Chito Bulatao Balintay, Edgar Erice, at Florendo de Ramos Ritualo, Jr. 

Dahil dito, napilitan ang Comelec na agad ipatigil ang pag-iimprenta ng mga balota dahil hindi kasama sa mga ito ang mga pangalan ng mga naturang kandidato, na una na nilang diniskuwalipika ngunit kalaunan ay pinaburan ng Mataas na Hukuman.

“Yung naimprenta po namin na higit kumulang na 6 na milyong balota ay mababalewala na po lahat sapagkat wala po yung pangalan ng naturang kandidato,” ani Garcia, sa panayam sa program sa telebisyon.

Eleksyon

Malaca<b>ñang sa umano'y pagtakbo ni VP Sara sa 2028: 'It's her privilege'</b>

“And therefore, back to zero po kami,” aniya pa.

Sa pagtaya ni Garcia, ang bawat balota ay nagkakahalaga ng ₱22 kaya't sa kabuuan, aabot sa ₱132 milyon ang halaga ng masasayang na balota.

“Medyo malaki na po. Kung anim na milyon 'yan, i-multiply ninyo po sa ₱22 isang balota,” aniya. “Pagkatapos napakadami po namin doon na mga tauhan na pinapasuweldo with overtime lahat po 'yun kasi nga po may night shift po kami." 

Nabatid na bukod naman sa ballot printing, apektado rin ng desisyon ng Korte Suprema ang mock elections, na ipinagpaliban sa Enero 25, gayundin ang database ng mga kandidato, election management system (EMS), automated counting machine (ACM), at consolidation at canvassing system (CCS).

Kinansela rin ng Comelec maging ang live test para sa trusted build ng online voting and counting system (OVCS). 

Sa kabila naman nito, tiniyak ni Garcia na tuloy na tuloy pa rin ang midterm polls.