Sa kaniyang naging pakikiisa sa National Peace Rally ng Iglesia Ni Cristo (INC) nitong Lunes, Enero 13, ibinalandra ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang placard na: “Magkaisa huwag mang-isa.”
Ibinahagi ni Dela Rosa sa isang Facebook post ang kaniyang larawan na habang hawak ang naturang placard nang dumating siya sa Quirino Grandstand kung saan 1.58 milyong mga miyembro raw ng INC ang nagtipon-tipon nitong Lunes.
Samantala, matatandaang sa isang panayam nito ring Lunes ay iginiit naman ng senador na pumunta siya sa nasabing rally upang makiisa umano sa panawagan ng INC na “kapayapaan” at hindi raw upang mamolitika.
“I’m here not to be endorsed. I’m here to join bilang isang Pilipino. Nakikiisa ako sa purpose nitong rally na ito. Hindi po ako pumunta dito para magpa-endorse or mamumulitika,” saad ni Bato.
MAKI-BALITA: Sen. Bato, 'di namumulitika sa pakikiisa sa 'National Rally For Peace'
Kasama si Dela Rosa sa mga reelectionist sa darating na May 2025 midterm elections, Tatakbo siya sa ilalim ng Duterte-wing party na PDP Laban.