January 15, 2025

Home BALITA National

Rep. Castro sa plano ni VP Sara na tumakbo bilang pangulo: 'Well, sana hindi siya manalo!'

Rep. Castro sa plano ni VP Sara na tumakbo bilang pangulo: 'Well, sana hindi siya manalo!'
MULA SA KALIWA: ACT Teachers Party-list Rep. France Castro at Vice President Sara Duterte (file photo)

Nag-react si ACT Teachers Party-list Rep. France Castro sa naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na kinokonsidera na niyang tumakbo bilang pangulo ng Pilipinas sa 2028.

Matatandaang sa naging pagbisita ni Duterte sa ilang overseas Filipino workers (OFW) nang magtungo sa Japan nitong Lunes, Enero 13, tinanong siya kung may posibilidad na tumakbo siya bilang punong ehekutibo ng bansa sa 2028 elections.

"We are seriously considering,” sagot ng bise presidente.

MAKI-BALITA: VP Sara sa pagtakbo sa 2028 national elections: 'We are seriously considering'

National

<b>Trust rating ni PBBM, bumaba ng 4%; 10% naman ang isinadsad kay VP Sara – OCTA</b>

Kaugnay nito, sa isang panayam nitong Martes, Enero 14, sinabi ni Castro na tingin daw niya ay lumakas ang loob ni Duterte na tumakbo dahil sa isinagawang peace rally ng Iglesia Ni Cristo (INC) nito ring Lunes upang ipanawagan ang kapayapaan at bilang pagsuporta rin umano sa kaniya.

“Ganoon naman ang mga Duterte, sasabihin nilang tatakbo, tapos hindi. Pero mukhang nagpalakas ng loob sa kanya—[at] ngayon niya sinasabi ‘yan—itong mga kilos ng Iglesia ni Cristo,” giit ni Castro.

“Pero, well, sana hindi siya manalo,” saad pa niya.

Matatandaang nito ring Lunes nang magtipon-tipon ang mahigit 1.58 milyong miyembro ng INC sa Quirino Grandstand sa Maynila upang ipanawagan daw ang “peace and unity” sa bansa. Kasabay nito ay 12 sites pa sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nagsagawa ng INC peace rally.

Layunin din daw ng naturang peace rally ang pagpapaabot ng INC ng suporta sa pahayag ni Marcos noong nakaraang taon na huwag nang ituloy ang pagpapatalsik kay Duterte, na sa ngayon ay nahainan na ng tatlong impeachment complaints sa Kamara.

MAKI-BALITA: INC, naghahanda ng rally para tutulan impeachment complaints laban kay VP Sara

MAKI-BALITA: PBBM, iginiit na 'waste of time' lang pag-impeach kay VP Sara

Habang sinusulat ito’y tatlong impeachment complaints ang nakahain laban kay Duterte sa House of Representatives.