Ipinahayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin na hindi nabago ng “National Peace Rally” ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang posisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos hinggil sa mga nakahaing impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte sa Kamara.
"The president's position on the impeachment proceedings in the House of Representatives has not changed," ani Bersamin sa isang pahayag nitong Martes, Enero 14.
Matatandaang noong Nobyembre 2024 nang kumpirmahin ni Marcos na nagpadala siya ng text message sa Kongreso upang sabihing huwag nang maghain ng reklamong pagpapatalsik kay Duterte bilang bise presidente ng bansa.
Ayon sa pangulo, pag-aaksaya lamang umano ng oras ang pagsasampa ng impeachment complaint laban kay Duterte.
MAKI-BALITA: PBBM, iginiit na 'waste of time' lang pag-impeach kay VP Sara
Samantala, nitong Lunes, Enero 13, nang magsagawa ang INC ng peace rally sa 13 sites sa iba't ibang panig ng Pilipinas, kabilang na ang Quirino Grandstand sa Maynila na ayon sa Manila Public Information Office (PIO) ay dinaluhan ng mahigit 1.58 milyong miyembro nito.
Bukod sa panawagang “peace and unity” sa bansa, layunin din daw ng naturang rally ng INC ang pagpapaabot nila ng suporta sa naturang pahayag ni Marcos noong nakaraang taon na huwag nang ituloy ang pagpapatalsik kay Duterte.
Habang sinusulat ito’y tatlong impeachment complaints ang nakahain laban kay Duterte sa House of Representatives.