Kinakalampag ng pamilya ni Marvil Facturan ang pamahalaan at awtoridad upang bigyan ng agarang atensyon ang kaso ng kanilang kaanak.
Matatandaang si Marvil ay ang Pilipinang hinihinalang pinaslang umano ng asawa nitong Slovenian na si Mitja Kocjancic habang nasa bakasyon sila kamakailan.
Sa Facebook post ni Muberra Facturan noong Linggo, Enero 12, nanawagan sila na magsagawa ng imbestigasyon para matuklasan ang katotohanan sa likod pagkamatay ni Marvil.
“We, her family, are appealing to the Government of the Philippines and the concerned authorities to give immediate attention to this case. We demand a full investigation to uncover the truth behind Marvil’s passing,” saad ni Muberra.
Dagdag pa niya, “She is not just another case. Marvil was a daughter, a sibling, a friend, and a fellow Filipino who deserves justice ”
Bukod dito, humingi rin siya ng suporta sa mga tumitindig para sa kanila upang makarating sa gobyerno ang kanilang panawagan at hindi tuluyang maetsa-pwera ang kaso ni Marvil.
“We can’t bring her back, but we can fight for her memory and ensure that justice is served. We will not
stop until we get the justice she deserves,” pahabol pa ni Muberra.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News nitong Martes, Enero 14, sinabi umano ng ina ni Marvil na si Vilma Pila na nakilala umano ng anak niya si Mitja sa social media noong Pebrero 2024.
Binisita ni Mitja si Marvil sa Pilipinas at kalaunan ay nag-alok na ng kasal sa dalaga sa mismong kaarawan nito noong Hulyo. Ikinasal ang dalawa sa nasabi ring buwan.
Kaya naman matapos makapag-isang-dibdib ay inasikaso ni Marvil ang mga papeles upang masundan si Mitja sa Slovenia.
Ngunit nakatanggap umano ng tawag si Vilma noong Disyembre 31 mula sa embahada para sabihing pinatay umano ang anak niya.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na raw ng mga awtoridad sa Slovenia ang mister ni Marvil at inaasikaso na rin daw ng Embahada ng Vienna ang labi ng biktima.
Samantala, kinondena naman ng Department of Foreign Affairs ang nasabing krimen.