Magpapatupad ang Manila Electric Company (Meralco) ng tapyas sa singil ng kuryente ngayong Enero.
Sa isang pulong balitaan nitong Lunes, mismong si Meralco vice president at head ng Corporate Communications Joe Zaldarriaga ang nag-anunsiyo ng pagbaba ng singil sa kuryente ngayong buwang ito.
Ayon kay Zaldarriaga, na siya ring tagapagsalita ng Meralco, dahil sa tapyas sa singil sa kuryente, ang overall electricity rate ngayong buwan ay magiging ₱11.7428/kWh mula sa dating ₱11.9617/ kWh noong Disyembre.
Nangangahulugan aniya ito na ang mga tahanang nakakakonsumo ng 200 kWh kada buwan ay magkakaroon ng ₱44 na bawas sa kanilang bayarin; ₱66 naman sa mga nakakagamit ng 300 kWh; ₱89 sa mga nakakakonsumo ng 400 kwh at ₱112 sa mga nakakagamit ng 500 kwh kada buwan.
Anang Meralco, ang pagbaba sa singil ay dulot ng mas mababang generation charge na bumaba ng ₱0.1313/ kWh.
Sa kabila naman nang pagbaba ng singil ng kuryente, patuloy pa rin ang paalala ng Meralco sa consumers na magtipid ng kuryente.
“While electricity rates decreased this month, we would like to remind our customers to continue practicing energy efficiency as a way of life especially with the dry season is fast approaching,” ani Zaldarriaga.