Ipinahayag ni Manila Mayor Honey Lacuna na suportado ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kamakailan na huwag nang ituloy ang pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ito ni Lacuna sa isang panayam ng mga mamamahayag nitong Lunes, Enero 13, kung saan nakiisa siya sa isinagawang “National Rally for Peace” ng Iglesia Ni Cristo (INC).
“Ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila naman po ay sumusuporta sa panawagan po ng ating Pangulo patungkol po sa [impeachment],” saad ni Lacuna.
Dagdag ng alkalde, dumalo raw ang kanilang lokal na pamahalaan sa rally ng INC “para makiisa po tayo na sana po ay atin pong masuportahan ang panawagan po sa pagkakaisa at kapayapaan dito po sa ating bansa.”
Matatandaang inihayag ng Manila Public Information Office (PIO) nito ring Lunes na mahigit 1.58 milyong miyembro ang dumalo sa isinagawang peace rally ng INC sa Quirino Grandstand. Kasabay nito, nagsagawa rin ang relihiyon ng rally sa 12 iba pang sites sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Bukod sa panawagang “peace and unity” sa bansa, layunin din daw ng naturang rally ng INC ang pagpapaabot nila ng suporta sa naging pahayag ni Marcos na “waste of time” lamang ang pagpapatalsik kay Duterte sa puwesto.
MAKI-BALITA: INC, naghahanda ng rally para tutulan impeachment complaints laban kay VP Sara
MAKI-BALITA: PBBM, iginiit na 'waste of time' lang pag-impeach kay VP Sara
Habang sinusulat ito’y tatlong impeachment complaints ang nakahain laban kay Duterte sa House of Representatives.