January 14, 2025

Home BALITA Eleksyon

Kahit umatras na: Pangalan ni Singson, nasa balota pa rin—Comelec

Kahit umatras na: Pangalan ni Singson, nasa balota pa rin—Comelec
Manila Bulletin photo by Arnold Quizol, Mark Balmores

Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) na kahit pa tuluyang iurong ni dating Ilocos Sur Governor Luis "Chavit" Singson ang kaniyang kandidatura sa pagka-senador ay mananatili pa rin ang kaniyang pangalan sa opisyal na balota na gagamitin sa 2025 national elections.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia nitong Lunes, Enero 13, kasalukuyan nang umaarangkada ang pag-iimprenta ng mga balota para sa midterm polls kaya’t hindi na ito mababago pa kahit na tuluyan pang mag-withdraw ng kandidatura si Singson.

Ipinaliwanag ni Garcia na sakali namang may mga bumoto pa rin kay Singson kahit na hindi na ito kandidato ay ituturing na lamang na ‘stray votes’ ang mga naturang boto.

“Kung sakaling may makuhang boto 'yung isang nag-withdraw na kandidato, mako-consider na stray ang lahat ng boto niya. Hindi po ito bibilangin,” paliwanag pa ni Garcia.

Eleksyon

VP Sara sa pagtakbo sa 2028 national elections: 'We are seriously considering'

Sinabi naman ni Garcia na ang pagwi-withdraw ng kandidatura ay kailangang gawin ng personal ni Singson dahil hindi pinapayagang kinatawan lamang ang magsagawa nito. 

Matatandaang inanunsyo ng dating Ilocos governor ang pag-atras niya sa senatorial race. Aniya, ang dahilan ng pag-atras niya ay ang kaniyang kalusugan.

“Ang desisyon ko po, hindi na po ako tutuloy sa aking kandidatura sa Senado. Hindi po biro ang kampanya, lalo na ang trabaho ang isang senador, kung talagang magtatrabaho..."

BASAHIN: Chavit Singson, umatras na sa senatorial race