Nilinaw ng kontrobersiyal na basketball player na si John Amores na hindi totoong may relasyon sila ni Vice President Sara Duterte, nang bigyan siya nito ng sulat matapos ang pagkakasuspinde niya sa kontrobersiyal na National Collegiate Athletic Association o NCAA Season 98 noong 2022.
Bumisita si Amores sa vlogger na si "Boss Toyo" sa kaniyang "Pinoy Pawnstars" noong Enero 11 kung saan may bitbit itong dalawang bagay na mahalaga sa kaniya para ibenta sa content creator at pawnshop owner.
Dala-dala ni Amores ang jersey ng Jose Rizal University (JRU) na kaniyang suot nang magwala siya at manapak ng mga kapwa manlalaro mula naman sa College of Saint Benilde sa NCAA Season 98.
Matatandaang pinadalhan naman siya ng sulat mula sa Office of the Vice President (OVP) at binigyan siya ng ilang words of wisdom ni VP Sara.
Makalipas ang ilang taon, ibinebenta na ni Amores ang nabanggit na liham na inilagay niya sa isang picture frame, pirmado pa ng pangalawang pangulo. Kasama na rin sa ibinebenta ang kaniyang jersey na suot niya nang mangyari ang insidente ng pananapak.
Dito ay nilinaw na rin ni Amores na hindi totoo ang mga bintang noong "kabit" siya ni VP Sara at binigyan siya ng resort at gasolinahan.
"Na-issue 'yan eh. Parang kabit daw ako ni VP Sara. Binigyan daw ako ng resort tapos binigyan ako ng gasolinahan," sey ni Amores.
Nang tanungin ni Boss Toyo kung nasaan daw ang resort na ibinigay umano sa kaniya ng Pangalawang Pangulo, "Wala! Sinisira lang talaga siya. Ito ang [tumutukoy sa sulat] 'yong ibinigay niya sa akin."
Kaya sey ng eksperto, talagang kontrobersiyal ang nabanggit na sulat.
Nais ibenta ni Amores ang jersey at sulat sa presyong ₱200k pero hindi sumang-ayon dito si Boss Toyo. May tinawagan pang eksperto si Boss Toyo para alamin kung magkano mabibili ang kontrobersiyal na uniporme ni Amores. Sa huli, nagkabatakan sila sa halagang ₱67,500.
Pinapirmahan ni Boss Toyo ang dalawang item kay Amores.
Sa ngayon daw, habang wala pa siyang trabaho ay gagamitin niya ang pera sa negosyong lechon manok, na may pangalan na raw na "Amores Mapapa-knockout."
Sa huli, nasabi rin ng basketball player na muli niyang babalikan at bibilhing muli ang jersey kapag nagkapera na siya, dahil aniya, mahalaga ito para sa kaniya.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si VP Sara hinggil sa pagbebenta ni Amores sa sulat na ibinigay niya rito kay Boss Toyo.
MAKI-BALITA: John Amores nagpunta kay Boss Toyo para ibenta JRU jersey, sulat ni VP Sara