January 15, 2025

Home FEATURES

ALAMIN: Kakasa ka bang makiuso sa Geng Geng Fashion?

ALAMIN: Kakasa ka bang makiuso sa Geng Geng Fashion?
Photo courtesy: screenshot from GMA Public Affairs/YT

Uso ngayon ang Geng Geng Fashion—isang trend kung saan ang mga miyembro ng grupo ay nagsusuot ng iba't ibang kombinasyon ng damit na may maraming layer, depende sa napiling tema. 

Higit pa sa pagiging astig at makukulay na estilo ng pananamit kapag magkakasama, ito’y nagsisilbing simbolo raw ng kanilang pagkakaisa at kakaibang fashion statement.

Ang “Geng Geng” ay mula sa salitang “gang.” Anila ang miyembro nila ay hindi naghahanap ng gulo, kundi sila raw ay nagpapakita ng solidong samahan at pagiging astig sa pare-pareho nilang pananamit.

Ayon sa ulat ng GMA Public Affairs, sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS), noong Linggo, Enero 12, 2025, tila lahat ay mapapalingon  kapag nakita ang grupo-grupo kung rumampa na mga “Geng Geng” dahil sinakop na nila ang mga mall, parke, at kalsada habang finiflex ang kanilang mga Outfit of the Day (OOTD) na tinatawag namang “Geng Geng fashion.”

Tourism

'No. 1 most traveled Filipino citizen globally' sinalubong sa Mactan airport

Ang Geng Geng fashion ay nagpapakita ng pagsusuot ng mga pantalong baggy, oversized na mga damit, at accessories na kapansin-pansin dahil daw sa pagiging slayable.

May mga impressed at meron din namang hindi natutuwa sa fashion style na ito. Anila, hindi raw magandang impluwensya sa kabataan ang ganitong pananamit, lalo na para sa mga lalaking na magsuot ng palda.

Ang mga “Jejemon” at “Hypebeasts,” binabansagan na raw nila ngayon ang kanilang mga sarili bilang bagong aesthetic. Tinatawag silang “Geng Geng.”

Ang Geng Geng mula Aparri, Cagayan, ang tumatayong bossing ng  grupong “Boss Fit” na si Jonald “Nald” Tuliao, nakuha raw ang “fit” mula sa salitang “outfit.” Para makasali sa grupo, kailangan munang ilapag ang outfit na kanilang isusuot kay Boss Fit para mapag-aralan kung anong babagay na accessories para dito 

Ayon sa kanila, ang istilo nila ay inspirado ng Y2K o Year 2000 fashion.

Para sa mga gustong maging bahagi ng grupo, ito raw ang mga dapat tandaan:

1. Maging bukas sa lahat ng kakaiba 

Mahilig daw ang Geng-Geng na mag-mix and match experiment ng kanilang mga kasuotan. Tulad ng ibang miyembro, napupusuang suotin ng mga lalaking miyembro ay palda. Ang nagpasimula raw ng outfit na ito ay ang tinitingalang social media personality na si “Kiel The Great.”

2. Ukay Mastery

Hindi kailangang bumili ng mamahaling brand. Ang mahalaga ay may taste sa pagpili ng isusuot. Madalas, online daw sila bumibili. Kapag wala namang budget, ukay-ukay ang takbuhan. May iba pa ngang miyembro na mula sa lumang damit ng kanilang mga lolo’t lola ang pinapa-customize upang maisuot nilang muli. Kahit mainit, tiis-ganda pa rin ang outfitan.

3. Layering like a Pro

Ang paglalagay ng mga layer ay dapat sapat lang—hindi magulo, pero hindi rin sobrang plain. Kahit makapal ang suot, hindi naman sila naiinitan. Ayon sa fashion photographer na si Miguel Alomajan, dahil maninipis naman daw ang layering ng damit, akma pa rin ito sa klima ng Pilipinas.

4. Accessories are key

Chains, sunglasses, hats—at marami pang ibang anik-anik na puwedeng maisuot ika nga nila: “The more, the merrier.” 

5. Walk with confidence

Walang maniniwala sa kanila kung nagdududa sa sarili. Masaya lang daw sila sa kanilang mga suot kaya ito ang sinusuot nila upang i-express ang kanilang sarili.

Noong Nobyembre 2024, nabuo ang Boss Fit nang mag-post si Bossing Jonald sa Facebook. Ngayon, may 70 miyembro na ang grupo at nagtitipon linggo-linggo para sa photoshoot.

Sa mall sila madalas mag-photoshoot, sila-sila rin ang kumukuha ng litrato sa isa’t isa. 

Siyempre, hindi rin maiwasan ang kritisismo. Sinabihan na silang mga baliw at dapat raw dalhin sa mental facility. Masakit, pero hinahayaan na lang daw nila. 

Ayon kay Dra. Rea Celine Villa, isang Clinical Psychologist,  ang mahalaga daw ay natutuhan ng bawat miyembro na magpakatatag. Ang tawag dito ay resilience—ang kakayahang harapin ang negatibong feedback nang hindi naaapektuhan ang tiwala sa sarili.

Ayon kay Dr. Gerald Abergos, isang sociologist, ang fashion statement na ito ay nagdudulot ng pagbubukas ng isip. Sa bawat henerasyon, may kaniya-kaniyang paraan ng pagpapahayag ng sarili, at ang Boss Fit ang paraan nila.

-Mariah Ang