"We are seriously considering."
Ito ang sagot ni Vice President Sara Duterte nang matanong siya kung may posibilidad ba siyang tumakbo sa 2028 national elections.
Nagtungo sa Japan nitong weekend ang bise presidente para sa isang private trip, ayon sa Office of the Vice President (OVP) nitong Lunes, Enero 13.
Binisita ni Duterte ang ilan sa mga grupo ng overseas Filipino workers (OFW) doon.
"We are seriously considering," saad ni Duterte nang matanong ng isang OFW tungkol sa 2028 national elections, na iniulat ng SMNI News.
"Mahirap siya ipaintindi sa ating mga kababayan and mahirap 'yung kailangan nating gawin kasi you really need to stand firm especially with government policies para maayos siya. Pero paniwala ako kung magkakaisa lang 'yong mga tao alam natin kung saan tayo papunta magagawa ang ating bayan," dagdag pa ng bise presidente.
Bagama't walang nabanggit kung anong posisyon ang tatakbuhin sa 2028, matatandaang ang pinanawagan ng mga taga-suporta at kaalyado ni Duterte ay tumakbo siyang pangulo ng Pilipinas.
Habang isinusulat ito’y tatlo na ang nakahaing impeachment complaint laban kay Duterte sa Kamara, ngunit inihayag ni House Secretary General Reginald Velasco kamakailan na maaari pang ihabol ang ikaapat na reklamong pagpapatalsik sa bise presidente.
Samantala, balak umano ni dating presidential legal counsel Salvador Panelo na patakbuhin si Senador Robin Padilla bilang pangulo sa 2028 sakaling hindi tumakbo si Duterte.
BASAHIN: Panelo, patatakbuhin si Padilla bilang pangulo sa 2028 kapag ‘di tumakbo si VP Sara