Ibinahagi ni Vice President Sara Duterte ang tila mga bagay na napagtanto niya raw sa politika, sa kaniyang pagharap sa ilang tagasuporta sa Japan noong Linggo, Enero 12, 2025.
Sa isinagawang “meet and greet” ni VP Sara sa Ginza, Tokyo, diretsahan niyang sinagot ang umano’y mga “atake” raw laban sa kaniya.
“Mayroon lang akong realization na lahat pala ng politiko ay hindi mo kaibigan. Ang kaibigan mo lang talaga iyong taumbayan. Totoo ‘yan,” ani VP Sara.
Inungkat din ng pangalawang pangulo ang umano’y budget daw na inilaan at ipinamahagi ng kaniya raw mga kalaban sa politika para banatan siya.
“Kasi noong nangyari ‘yon, noong 2023 doon sa budget sa Department of Education and Office of the Vice President, sinabihan na ako no’ng kilala ko, kaibigan ko sa loob ng PR industry ng National Capital Region. Sabi nila, ang unang baba was ₱25 million para banatan ka,” anang bise presidente.
Dagdag pa niya: “So, I’m sure meron pang iba pang budget diyan para tuloy-tuloy ang banat.”
Matatandaang lumala ang hidwaan nina VP Sara at Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. noong Nobyembre 2024 matapos ang maaanghang na tirada ng pangalawang pangulo laban sa administrasyon ni PBBM, kaugnay ng imbestigasyon ng Kamara sa kontrobersyal na paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd), na noo’y nasa ilalim ng pamumuno ng bise presidente.