Tila pinabulaanan ng dating senate president at re-electionist sa pagkasenador na si Tito Sotto III ang claim ng kampo ng direktor na si Darryl Yap, na pinadalhan daw ng huli ng kopya ng script ng "The Rapists of Pepsi Paloma" si "Eat Bulaga" host Vic Sotto subalit hindi ito nag-react o nagbigay ng komento.
Batay sa panayam ng GMA Integrated News kay Atty. Raymond Fortun, legal counsel ni Yap, sinabi niyang makailang beses daw na nag-follow-up ang direktor sa kampo ni Sotto para hingin ang komento nito ukol sa script ng pelikula subalit wala raw itong natanggap, hanggang sa natapos nang kunan ang teaser at ilang mga eksena.
"The purpose was really for them to give comments doon sa script," saad ng abogado.
"Wala naman po, ilang beses nag-follow-up di Direk Darryl tungkol doon until finally na-shoot na lahat ng mga scenes. So, hindi na namin kasalanan 'yon," paliwanag pa ni Fortun.
MAKI-BALITA: Vic Sotto, pinadalhan daw ng script ng 'The Rapists of Pepsi Paloma'
Nilinaw rin ng legal counsel na wala pa raw utos ang korte na ipahinto ang promotional teasers o videos kaugnay ng kontrobersiyal na biopic movie ng sexy star noong 80s.
Matatandaang noong Enero 9 ay pormal nang nagsampa ng kasong 19 counts of cyber libel si Bossing Vic laban kay Direk Darryl, sa Muntinlupa City Regional Trial Court, sa prosecutor's office.
Nakasaad daw sa petisyon ni Vic ang pagpapahinto ng pagpapakalat ng anila'y sensitibo at personal na mga detalye tungkol sa una, maging ang pagpapa-take down umano online ng nabanggit na promotional material.
Iniutos naman ng korte na magsumite ang kampo ni Darryl ng verified return of the writ kaugnay nito.
Pagdidiin ni Atty. Fortun, wala pang utos ang korte na alisin na ang teaser, at ilalaban pa nila ang karapatan ng direktor kaugnay ng "freedom of artistic expression."
Samantala, nag-react naman sa isang ulat ng pahayagan patungkol dito si Titosen sa pamamagitan ng kaniyang X post.
Nakalagay kasi sa ulat na ipinaraan daw sa isa sa mga kapatid ni Vic Sotto "na isang senador" ang kopya ng script.
Giit niya, wala raw siyang natanggap o maging ang kapatid na si Vic, na script mula kay Darryl, at ang tinutukoy raw nitong "Vic" ay si Vic Del Rosario.
Si Vic Del Rosario ang may-ari ng VIVA Films, kung saan, may kontrata dito si Darryl Yap.
Ngunit, hindi VIVA Films ang nag-produce ng TROPP dahil ayon na rin sa direktor at tsika ng showbiz insider na si Cristy Fermin, tumanggi raw si Del Rosario na i-produce ang pelikula.
"Not true. False. They gave a script to Vic del Rosario, not Vic Sotto. Vic nor I never read their script," ani Titosen sa kaniyang X post, bandang 12:30 ng tanghali, Enero 13.
Dagdag pa niya sa isa pang X post na sumita sa lokal na pahayagan, "You should find out first if what you are reporting is accurate or not. Nakakahiya kumagat sa showbiz gimmick, mainstream pa Naman kayo."
Idinagdag pa ni Titosen na alam niyang tinurn down ni Vic Del Rosario ang proyekto.
May pahaging pang pasaring si Titosen sa isa pang X post, "Sa mga gumagastos ng malaki para manira ng kapwa, ayos! Para mabawasan [ang] yaman ninyo!"
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Yap tungkol sa mga naging X posts ni Tito.