January 14, 2025

Home FEATURES Human-Interest

'National Rally for Peace,' extra income para sa ilang street vendors sa Maynila

'National Rally for Peace,' extra income para sa ilang street vendors sa Maynila
Photo courtesy: Kate Garcia/Balita

‘Ika nga nila, sadyang madiskarte ang mga Pinoy. Ang katangiang ito, ay muling pinatunayan ng ilang street vendors sa kasagsagan ng National Peace Rally ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Quirino Grandstand, Maynila. 

Sa kabila ng nagpapalitang init at paambon-ambong panahon, hindi ito ininda ng ilang street vendors upang samantalahin ang pagkakataong magkaroon ng mas malaking kita mula sa paligid ng Quirino Grandstand. 

Sa eksklusibong panayam ng Balita sa ilang vendors, ibinahagi nilang hindi naman daw nila kinailangang magkaroon ng permit upang makapagtinda sa naturang bahagi ng Maynila. Kaniya-kaniya man sila ng food cart at magkakaiba man ang kanilang mga latag na paninda, pare-pareho naman silang umaasang baka sa araw ito ay mag-iba ang bilang ng kanilang kita. 

Isa sa mga nakapanayam ng Balita si Nanay Susan, 64 taong gulang, na nagtitinda ng mga sakong hinati sa gitna. Aniya, ito raw ang napili nilang itinda dahil kalimitan sa mga miyembro ng INC na naroroon ay sa kalsada na nakapuwesto. Bagama’t 1:00pm na siya nagsimulang pumuwesto, giit ni Nanay Susan, nakarami na rin daw siya ng benta. 

Human-Interest

Grade 11 students, lumikha ng automated cleaner ng oil spill

Nakilala rin ng Balita si “Saldy,” isang chicken skin vendor at nakapuwesto sa kahabaan ng Luneta Park. ‘Di katulad ng mga ordinaryong araw, ‘di hamak na mas malaki raw ang kaniyang kinita ngayon at hindi na rin daw niya kinailangan pang maglako pa sa iba’t ibang lansangan.

Hindi lang sa harapan ng Luneta Park nakapuwesto ang ilang street vendors. May ilan din sa kanila na piniling suyurin ang kapal ng tao sa mismong Quirino Grandstand upang magbakasakali. Katulad ni Mang “Romel” na bitbit ang kaniyang panindang taho at nag-iikot sa mga pagi-pagitan ng mga taong naghihintay na pormal na magsimula ang naturang programa.

Bukod sa street vendors, malaking tulong din daw ang naturang pagtitipon sa Quirino Grandstand ng milyong miyembro ng INC para naman sa ilang bus drivers. 

Ayon kay Jerson Abejuela, driver ng City Bus, bagama’t may kalayuan daw ang pag-arkila sa kaniya ngayon, kumpara sa araw-araw niyang ruta ng pamamasada, malaking bagay naman daw na naarkila siya dahil hindi na raw niya kinailangan pang maghanap ng mga pasahero at isang buo na kita na raw agad ang naging kapalit nito.

Inaasahan ng mga awtoridad na aabutin ng hanggang gabi ang programa ng INC sa Quirino Grandstand, kaya naman para sa street vendors, mananatili raw sila dito, hangga’t may ilan pa raw na bumibili sa kanila.