Bahagi ng pasasalamat ni Vice President Sara Duterte sa Iglesia Ni Cristo at sa lahat ng mga nakiiisa sa kanilang isinagawang National Rally for Peace ngayong Lunes, Enero 13, sa iba't ibang panig ng bansa, ang paniniwalang hindi kailanman matitinag ang bansa at paulit-ulit itong babangon sa gitna ng hamon ng panahon.
Ayon sa video message ng Pangalawang Pangulo, nagpapasalamat siya sa malasakit sa bayan ng INC at sa iba pang mga nakiisa at lumahok dito para ipanawagan ang kapayapaan ng bansa sa kabila ng mga kinahaharap na usaping panlipunan.
"Taos-puso akong bumabati sa lahat ng lumahok sa malawakang peace rally ngayong araw. Ito ay isang makapangyarihang pagpapakita ng pagkakaisa at pananampalataya, na ang tanging hangad lamang ay kapayapaan tungo sa kaunlaran ng ating bansa," anang VP Sara.
Dagdag pa niya, "Nagpapasalamat ako ating mga kapatid sa Iglesia Ni Cristo sa inyong patuloy na pagsisikap na maghatid ng pagkakaunawaan at pagkakaisa sa ating mga kababayan sa gitna ng tumataas na presyo ng bilihin, kahirapan, at iba pang suliranin."
Bilang pagwawakas, sinabi niyang "Ang isang mapayapa at nagkakaisang Pilipinas ay hindi kailanman matitinag at paulit-ulit na babangon sa gitna ng hamon ng panahon."
"Muli, sa ating mga kababayan, maraming salamat sa inyong malasakit sa bayan. Mabuhay ang sambayanang Pilipino!" aniya.
MAKI-BALITA: VP Sara sa INC kaugnay ng peace rally: 'Salamat sa inyong malasakit sa bayan!'