Naglabas ng pahayag ang Palasyo ng Malacañang hinggil sa inorganisang “National Rally for Peace” ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa iba’t ibang lupalop ng bansa ngayong Lunes, Enero 13.
Ayon kay Executive Secretary Lucas P. Bersamin, naniniwala raw silang magiging mapayapa, matiwasay, at makabuluhan ang nasabing pagtitipon.
“Higit sa lahat, umaasa kami na ang mga ipapahayag na mga opinyon ay makakatulong sa paglilinaw sa mga usaping kinakaharap ng ating bansa at maghahatid sa atin sa tunay na pagkakaisa na ating inaasam,” saad ni Bersamin.
Dagdag pa niya, “Sa pagkilatis at pakikinig lamang sa lahat ng panig sa isang usapin ang siyang magdudulot ng kalinawan na ating hinahanap.”
Kaya naman tinitingnan umano nila ang pagtitipong ito bilang bahagi ng “national conversation” na dapat ginagawa ng mamamayan upang maghatid ng kalinawan sa mga isyung kinakaharap ng bansa.
Matatandaang nauna nang ipinag-utos ng Palasyo ang pagsuspinde ng mga klase sa lahat ng antas at trabaho sa gobyerno sa Lungsod ng Maynila at Pasay noong Enero 5 para sa rally ng INC.
MAKI-BALITA:Malacañang, sinuspinde klase, gov't work sa Maynila, Pasay sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC