January 14, 2025

Home BALITA

Ilang miyembro ng INC, nilinaw kanilang panawagan: 'Di away ang hanap namin'

Ilang miyembro ng INC, nilinaw kanilang panawagan: 'Di away ang hanap namin'
Photo courtesy: Kate Garcia/Balita

Kaniya-kaniyang bitbit ng mga karatula ang miyembro ng Iglesia ni Cristo sa paglahok nila sa National Peace Rally sa Quirino Grandstand nitong nitong Lunes, Enero 13, 2025.

Bahagi umano ng naturang rally ang pagpapaabot nila ng suporta sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na “waste of time” lamang ang pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte sa puwesto.

Kabilang sa mga nakasulat sa kanilang karatula ay ang mga pahayag na sumusunod: 1. “Aming Kahilingan: Kaunlaran ng Bayan,”  2. “Magkaisa Huwag Mang-isa,”  3. “INC is for UNITY,” 4. “Aming Kahilingan:Kapayapaan ng Bayan,”  5. “ Magkaisa para tumatag ang Bansa,” 6.”Bayan ang Asikasuhin, Hindi Sariling Mithiin,” 7. “Pagkakasundo Hindi Pagkakagulo,” 8. “Mamamayan ang unahin, Huwag Sarili,”  9. “INC is for Progress."

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga nakalagay na mensahe sa placards ng 'National Rally for Peace'

Mapayapa, nagkakaisang Pilipinas 'di matitinag, babangon sa gitna ng hamon—VP Sara

Sa eksklusibong panayam ng Balita sa dalawang INC members, inilahad nila ang kanila raw personal na dahilan sa pakikilahok nila sa naturang rally.

Ayon kay Rea Mersaldo, 66 taong gulang mula Estrella, Pasay City, umaga pa lamang daw ay nasa kahabaan na siya ng Bonifacio Drive, kasama ang kaniyang kapatid upang makilahok sa nasabing peace rally.

“Ang dahilan namin ay katahimikan at umunlad ang bansa hindi away ang hanap namin, katahimikan. Walang anuman, katahimikan ang hanap namin, pagkakaisa para sa mamamayan, katahimikan,” ani Mersaldo.

Giit niya, naglakad lang daw siya mula sa kanilang tirahan hanggang sa may Quirino Grandstand upang magpakita ng suporta at pakikiiisa. 

Dagdag pa niya: “Ang pakikiisa sa amin ay all nationwide, pakikiisa katahimikan. Ayaw namin ng gulo, umunlad ang bansa hindi away, magkasundo-sundo.”

Samantala, nilinaw naman ni “Dennis,” na mula pa sa Taguig na hindi raw nila intensyon ang manggulo.

“Unang-una sinusunod namin ang batas ng Diyos na pagkakais, pangalawa yung pamamahala na nilagay sa amin ng Iglesia ni Cristo. Iyon po ang layunin namin, pagkakaisa ayon,”ani Dennis.

Mga 8:00 pa raw ng umaga si Dennis na nakikilahok sa peace rally. Aniya, may mga kasama raw siya na kaibigan ngunit nagkahiwa-hiwalay din sila dahil nagpunta pa raw muna siya sa kaniyang pinagtatrabahuhan.

“May mga kasama ako pero nagkahiwa-hiwalay kami dahil dumaan pa ako ng Meralco, may pasok pa po ako ngayon pero alam naman nila na may pagkakaisa ang Iglesia,” aniya.

Tatapusin daw ni Dennis ang buong programa hanggang sa opisyal na sasabihing tapos na ang programa. Nais niya pa raw kasing mapakinggan ang speech ng namumuno sa kanila.

“Hanggang matapos ho namin yung importante kasing marinig yung mapakinggan namin yung nangunguna sa amin, may speech iyon e, pag sinabing puwede ng umalis saka ako aalis,” pagbabahagi niya pa

Mula Taguig ay nagmaneho lamang siya ng kaniyang sariling motorsiklo upang makiisa sa peace rally.

Umaasa raw ang milyong miyembro ng INC na mapakinggan ang kanilang mga panawagan hinggil sa muling pagkakasundo at pagkakaisa ng pamahalaan. 

Kate Garcia at Mariah Ang