Bawal ang epal?
Muling ipinaalala ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia ang kaniyang abiso sa mga kandidato na iwasang samantalahin ang National Rally for Peace.
Sa pamamagitan ng isang Viber message nitong Lunes, Enero 13, 2025, inihayag ni Garcia sa media ang paalala niya sa mga kandidatong “mananamantala sa rally” kung saan tinawag niya ang mga ito bilang mga umano’y “epalitiko.”
“Isang pagsasama sama para sa pananampalataya at pagkakaisa po ito. Kasapi po tayo sa kapatiran ng Iglesia sa kanilang napakabuting hangarin. Hindi dapat sinasamantala ng ilan para sa pansariling kapakanan. Iwasang maging epalitiko,” saad ni Garcia.
Matatandaang ngayong araw, Enero 13, ikinakasa na ng Iglesia ni Cristo (INC) ang kanilang malawakang National Rally for Peace kung saan layunin umano nilang ipakita ang kanilang suporta sa tindig ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagtutol niya sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Samantala, noong nakaraang araw ay nauna na ring magbabala ang Comelec sa mga politikong nagbabalak umanong “mamolitika” sa mga religious events, bagama’t hindi na raw ito imo-monitor ng komisyon.
“Hindi naman tayo para mag-monitor pa sa ganyan sapagkat again, napakataas ng respeto natin sa gagawing kilos na ‘yan. Isa pong faith prayer rally ‘yan eh,” ani Garcia.
Dagdag pa niya: “Pero ganoon pa rin ang panawagan natin kagaya nung Traslacion no’ng nakaraan sa mga pulitiko, na sana naman, ‘wag nating gamitin ang isang napaka-religious activity na ginagawa ng ating mga kababayan. Nirerespeto po yun at alam natin ang mga politiko at kandidato rumerespeto ay mas pinagpapala. Sana yun ang nasa isip natin.”