Umatras na si dating Ilocos Sur governor Chavit Singson sa kaniyang kandidatura sa pagka-senador.
Inanunsyo ni Singson ang pag-atras niya nitong Linggo, Enero 12, sa "VLive Grand Launch" na ginanap sa Mall of Asia (MOA) Arena sa Pasay City.
Ang rason ng pag-atras si Singson ay ang kaniyang kalusugan dahil aniya hindi raw biro ang trabaho ng isang senador.
“Ang desisyon ko po, hindi na po ako tutuloy sa aking kandidatura sa Senado. Hindi po biro ang kampanya, lalo na ang trabaho ang isang senador, kung talagang magtatrabaho," saad niya. "At ayaw kong ipilit ang aking kalusugan ang maaaring magdusa. Sa totoo lang tumakas ako sa hospital dahil ayaw nila akong palabasin."
Dagdag pa niya, "Gusto ko pong makapaglingkod sa inyo ng buong puso at buong tapat kaya’t minabuti kong unahin muna ang aking pagpapalakas para lalo pa ako makatulong at makapaglingkod sa inyong lahat."
“Kaya humihingi po ako ng paumanhin sa mga nagbigay ng kanilang oras, lakas at suporta para sa kampanyang ito."
Isa sa mga adbokasiya ni Singson ay ang pagtulong sa mga traditional jeepney drivers na mag-transition sa e-jeepneys.
Gayunman, sa kabila ng pag-atras, patuloy pa rin niyang ipagpapatuloy ang kaniyang adbokasiya.
Matatandaang sinabi ni Singson no'ng maghain siya ng certificate of candidacy (COC) noong Oktubre 7, 2024, na manalo o matalo ay patuloy siyang tutulong sa mga jeepney driver.
Samantala, magsisimula ang kampanya para sa national position sa darating na Pebrero 11.