January 13, 2025

Home BALITA National

Castro sa 'National Rally for Peace:' 'Sana lang ay hindi ito pagtatakip'

Castro sa 'National Rally for Peace:' 'Sana lang ay hindi ito pagtatakip'
Photo Courtesy: ACT Teachers Party-list, Manila DRRMO (FB)

Nagbigay ng reaksiyon si senatorial candidate at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro kaugnay sa inorganisang “National Rally for Peace” ng Iglesia Ni Cristo (INC).

Sa panayam ng media nitong Lunes, Enero 13, sinabi ni Castro na sana ay hindi ito pagtatakip sa inihaing impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

“Nirerespeto ko ‘yong inyong karapatan sa pamamahayag sa araw na ito. Karapatan naman ng bawat indibidwal ‘yong magpahayag ng kung anoman ‘yong kanilang mga saloobin lalong-lalo na sa nangyayari sa ating pamahalaan,” pahayag ni Castro.

Dagdag pa niya, “Sana lang ay hindi ito ‘yong katulad ng sinasabi ko na baka pagtatakip lang ito doon sa impeachment [complaints laban] kay Sara Duterte. Sana naman hindi pagtakpan nitong rally na ito ‘yong impeachment na kung saan hinihingi ng bayan ang hustisya at ang katambal ng hustisya ‘yong accountability.”

National

Sen. Bato, 'di namumulitika sa pakikiisa sa 'National Rally For Peace'

Matatandaang nauna nang sinabi ni Castro na hindi para sa kapayapaan at pagkakaisa ang nasabing rally ng INC kundi para protektahan lang umano ang bise-presidente sa alegasyon hinggil sa paggasta sa pondo ng bayan.

MAKI-BALITA: ‘Di para sa kapayapaan?’ Peace rally ng INC, layon lang protektahan si VP Sara — Castro

Sa kasalukuyan, tatlong impeach complaints ang nakahain sa Kamara laban kay Duterte.