Inanunsyo ng Malacañang na inilipat sa Lunes, Enero 13, ang trilateral phone call nina Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr., United States (US) President Joe Biden, at Japan Prime Minister Shigeru Ishiba na unang itinakda ngayong Linggo, Enero 12.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cesar Chavez, inilipat ang pagpupulong ng mga lider ng bansa dakong 7:00 ng umaga sa Lunes.
Hiniling daw ng kampo ng US na i-reschedule ang trilateral phone call dahil sa nagpapatuloy na wildfires sa Los Angeles, California.
"It was conveyed that this was due to the ongoing wildfires in Los Angeles," saad ni Chavez.
Matatandaang noong Abril 12, 2024 nang pormal na itatag ng Pilipinas, US, at Japan ang trilateral maritime cooperation na naglalayon umanong pangalagaan ang mga mamamayan sa karagatan ng bawat bansa sa gitna raw ng mapanganib na pagkilos ng China sa South at East China Seas.