Nakatitiyak umano ang aktres na si Rochelle Barrameda ang nasakoteng suspek sa isang krimen kamakailan ang siya ring salarin sa karumal-dumal na pagpaslang sa kaniyang kapatid na si Ruby Rose Barrameda, na isinilid sa steel box, sinemento ang katawan, at itinapon sa dagat.
"Di ka pwede magtago habang buhay. Kahit magpalit ka pa ng identity. Demonyo ka! Mamamatay tao!!!" saad ni Rochelle sa kaniyang Facebook post noong Enero 10, matapos makilala ang suspek batay na rin sa lumabas na balita.
Ang nabanggit na suspek ay may tunay na pangalang "Victor Vidal Duenas" na gumamit ng iba't ibang pekeng pangalan gaya ng "James Paul Dwight" at "Lope Jimenez."
Agad na nagsadya sa presinto ang aktres para tukuying ang salarin sa pagpatay sa kaniyang kapatid ay ang suspek din sa isang pamamaslang sa City of San Jose Del Monte, Bulacan kamakailan.
Ayon sa police report, inakusahan bilang utak ng pagdukot, pagnanakaw, at pagpatay sa isang negosyante na nawala noong Enero 5, 2025, ang suspek na umano’y siyang nagsilid ng bangkay sa drum at nagbaon nito sa San Jose del Monte, Bulacan.
Kinasuhan umano ang akusado ng kidnapping with homicide at carnapping kaugnay sa nasabing krimen. Gayunpaman, itinanggi nito na siya si "Jimenez," na naiuugnay sa pagpatay kay Ruby Rose noong Marso 2007.
Sa kabilang banda, personal na nagtungo si Rochelle sa tanggapan ng QCPD-CIDU noong Enero 10 upang kilalanin si alyas Lope Jimenez bilang pumaslang umano sa kaniyang kapatid.
Ipinagpapasa-Diyos at batas na raw ni Rochelle ang lahat para sa pagkakamit ng hustisya sa kaniyang kapatid na si Ruby Rose at sa isa pang nabiktima raw nito kamakailan.
Nagpasalamat naman si Rochelle sa mga awtoridad dahil sa pagkakasukol kay Duenas.
"Maraming salamat po QCPD CIDU! Mabuhay po kayo!" saad ni Rochelle sa kaniyang Facebook post.
"Almost 16 years syang nag tago sa batas, salamat sa Diyos na dininig din nya ang aming panalangin. Naaresto natin sa wakas si Lope Jimenez aka Victor Vidal Durñas and James Paul Dwight. Sana mahanap narin ang driver nyang si Eric Fernandez."
"Maraming salamat din po Gen. Leo Francisco, Gen. Robert Rosales , Gen. Nicolas Torre and Senator Benhur Abalos," aniya.