Tila may pahabol si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. hinggil sa pagkakaroon ng New Year’s resolution ng mga Pilipino.
Sa kaniyang latest vlog episode nitong Linggo, Enero 12, 2025, inihayag ng pangulo ang simbolo umano ng pagpasok ng Bagong Taon sa Bagong Pilipinas at aniya’y “Bagong Pilipino.”
“Ano-ano ba ang katangian at asal ng isang bagong Pilipino na sana’y kasama sa ating New Year’s resolution? Simple lamang ‘yan. Bagong Pilipino ay disiplinado. Disiplinado sa sarili, disiplinado sa sariling tahanan at disiplinado sa lansangan,” saad ng Pangulo,
Ipinaalala rin ni PBBM na kailangan daw ng pamahalaan ang kooperasyon ng taumbayan kasabay daw ng mga proyekto ng pamahalaan.
“Kasabay ng lahat ng mga proyekto at programa ng pamahalaan ay kailangan na kailangan natin ang kooperasyon ng bawat mamamayan,” saad ng Pangulo.
Ibinahagi din ng Pangulo ang personal niyang New Year’s resolution na may kaugnayan naman sa kalusugan.
“Mas aalagaan ko ang aking kalusugan dahil sa dami ng aking ginagawa, bawal talagang magkasakit,” ani PBBM.
Dagdag pa niya: “Bawal talaga na hindi makapasok. Bawal talaga na hindi maganda at maliwanag ang inyong pag-iisip.”
Saad pa ng Pangulo, mas magpupursigi pa raw siya ngayong 2025 upang maipakilala raw sa buong mundo ang husay ng mga Pilipino.
“Gagalingan ko pa ngayong taon at lalong susuportahan ko rin ang mga magagaling at nagpupursigi, kikilalanin natin at ipapakilala ang mga mahusay na Pilipino sa buong mundo,” giit ni PBBM.