TRIGGER WARNING: Pagbanggit sa "rape," "threat," at "bullying"
Isa raw sa mga dahilan kung bakit isinulong ng kampo ni "Eat Bulaga" host Vic Sotto ang pagsasampa ng 19 counts of cyber libel case laban sa direktor ng "The Rapists of Pepsi Paloma" na si Darryl Yap, ay dahil nag-boomerang din ang epekto nito sa kaniyang misis na si Pauleen Luna-Sotto at anak nilang si Tali Sotto.
MAKI-BALITA: Vic Sotto, trending matapos mabanggit sa teaser ng 'The Rapists of Pepsi Paloma'
Sa panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP) sa legal counsel ni Vic na si Atty. Buko Dela Cruz, sinabi niyang nang dahil daw sa kontrobersiyal na teaser ng pelikula ay nagkaroon daw ng rape threat si Pauleen.
Kung babasahin daw ang mga komento ng netizens sa comment section ng teaser video, mababasa raw ang banta kay Pauleen.
Maging ang anak nila ni Bossing na si Tali ay binu-bully na raw sa paaralan dahil sa teaser, matapos ngang direktang mabanggit ang pangalan ng kaniyang tatay, batay sa diyalogo nina Gina Alajar at Rhed Bustamante. Si Direk Gina ang gumanap sa papel na Charito Solis habang si Rhed naman kay Pepsi.
"Whatever good intentions you might have, the effect is already there," paliwanag ng abogado.
Ayon pa sa legal counsel ni Vic, ang teaser video lamang ng Pepsi Paloma biopic movie ang saklaw sa writ of habeas data petition nila sa korte, at iba pa raw kapag naipalabas o nakalusot ito sa mga sinehan, kung sakaling may probable cause para magsampa ng demanda.
Kaugnay naman sa nabanggit na teaser video, nilinaw naman ng abogado ng direktor na si Darryl Yap na si Atty. Raymond Fortun na wala pa raw utos ang korte na ipahinto ang promotional teasers o videos kaugnay ng kontrobersiyal na pelikula.
Matatandaang noong Enero 9 ay pormal nang nagsampa ng kasong 19 counts of cyber libel si Vic laban kay Darryl, sa Muntinlupa City Regional Trial Court, sa prosecutor's office.
MAKI-BALITA: Vic Sotto, sinampahan na ng kaso si Darryl Yap kaugnay ng ‘Pepsi Paloma’ movie trailer
Nakasaad daw sa petisyon ni Vic ang pagpapahinto ng pagpapakalat ng anila'y sensitibo at personal na mga detalye tungkol sa una, maging ang pagpapa-take down umano online ng nabanggit na promotional material.
Iniutos naman ng korte na magsumite ang kampo ni Darryl ng verified return of the writ kaugnay nito.
Ayon nga sa legal counsel ng direktor, batay sa panayam ng GMA Integrated News, wala pang utos ang korte na alisin na ang teaser, at ilalaban pa nila ang karapatan ng direktor kaugnay ng "freedom of artistic expression."
MAKI-BALITA: Korte, wala pa raw utos na itigil pagpapalabas ng 'The Rapists of Pepsi Paloma' teaser
Sinabi rin ng kampo ni Darryl na binigyan nila ng kopya ng script si Vic bago pa ipalabas ang teaser, taliwas sa sinabi ng huli na hindi umano kumonsulta sa kanila ang direktor bago gawin ang proyekto.
Ang layunin daw ng pagpapadala ng script kay Vic ay para makapagkomento ito subalit sa makailang beses daw na pag-follow-up sa kanila ay wala naman daw tugon sa kanila.
"The purpose was really for them to give comments doon sa script," saad ng abogado.
"Wala naman po, ilang beses nag-follow-up di Direk Darryl tungkol doon until finally na-shoot na lahat ng mga scenes. So, hindi na namin kasalanan 'yon," paliwanag pa ni Fortun.
MAKI-BALITA: Vic Sotto, pinadalhan daw ng script ng 'The Rapists of Pepsi Paloma'