January 13, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

#BALITAnaw: Ang karumal-dumal na pagpaslang kay Ruby Rose Barrameda noong 2007

#BALITAnaw: Ang karumal-dumal na pagpaslang kay Ruby Rose Barrameda noong 2007
Photo courtesy: via Rochelle Barrameda (FB)

Tila nabunutan ng malaking tinik na 16 na taon nang nakatarak sa kaniyang dibdib ang aktres na si Rochelle Barrameda nang masakote kamakailan ang suspek sa isang krimen, na positibo niyang itinuro bilang salarin din sa karumal-dumal na pagpaslang sa kaniyang kapatid na si Ruby Rose Barrameda, na isinilid sa drum, sinemento ang katawan, at itinapon sa dagat sa Navotas noong 2007.

"Di ka pwede magtago habang buhay. Kahit magpalit ka pa ng identity. Demonyo ka! Mamamatay tao!!!" saad ni Rochelle sa kaniyang Facebook post noong Enero 10, matapos makilala ang suspek batay na rin sa lumabas na balita.

Ang nabanggit na suspek ay may tunay na pangalang "Victor Vidal Dueñas" na gumamit ng iba't ibang pekeng pangalan gaya ng "James Paul Dwight" at "Lope Jimenez."

Agad na nagsadya sa presinto ang aktres para tukuying ang salarin sa pagpatay sa kaniyang kapatid ay ang suspek din sa isang pamamaslang sa City of San Jose Del Monte, Bulacan kamakailan.

Tsika at Intriga

Rochelle Barrameda, natukoy suspek sa karumal-dumal na pagpatay sa kapatid

Ayon sa police report, inakusahan bilang utak ng pagdukot, pagnanakaw, at pagpatay sa isang negosyante na nawala noong Enero 5, 2025, ang suspek na umano’y siyang nagsilid ng bangkay sa drum at nagbaon nito sa San Jose del Monte, Bulacan.

Kinasuhan umano ang akusado ng kidnapping with homicide at carnapping kaugnay sa nasabing krimen. Gayunpaman, itinanggi nito na siya si "Jimenez," na naiuugnay sa pagpatay kay Ruby Rose noong Marso 2007.

Sa kabilang banda, personal na nagtungo si Rochelle sa tanggapan ng QCPD-CIDU noong Enero 10 upang kilalanin si alyas Lope Jimenez bilang pumaslang umano sa kaniyang kapatid.

Ipinagpapasa-Diyos at batas na raw ni Rochelle ang lahat para sa pagkakamit ng hustisya sa kaniyang kapatid na si Ruby Rose at sa isa pang nabiktima raw nito kamakailan.

Nagpasalamat naman si Rochelle sa mga awtoridad dahil sa pagkakasukol kay Dueñas.

"Maraming salamat po QCPD CIDU! Mabuhay po kayo!" saad ni Rochelle sa kaniyang Facebook post.

"Almost 16 years syang nag tago sa batas, salamat sa Diyos na dininig din nya ang aming panalangin. Naaresto natin sa wakas si Lope Jimenez aka Victor Vidal Dueñas and James Paul Dwight. Sana mahanap narin ang driver nyang si Eric Fernandez."

"Maraming salamat din po Gen. Leo Francisco, Gen. Robert Rosales , Gen. Nicolas Torre and Senator Benhur Abalos," aniya.

MAKI-BALITA: Rochelle Barrameda, natukoy suspek sa karumal-dumal na pagpatay sa kapatid

PAGKAMATAY NI RUBY ROSE NOONG 2007

Marso 14, 2007 nang mapaulat ang pagkawala ni Ruby Rose. Dalawang taon ang lumipas, bandang Hunyo 2009 ay natuklasan ang bangkay niya na nakalagay sa isang drum, sementado, at lumulutang-lutang sa dagat sa Navotas. Masasabing karumal-dumal ang kaniyang pagkamatay na hindi aakalaing magagawa ng sinumang taong may mahusay na ulirat at konsensya.

Naniniwala ang naiwang kaanak ni Ruby Rose na may kinalaman ang asawang si Manuel Jimenez III sa kaniyang pagkawala at pagkamatay.

Sa panayam naman ng Philippine Entertainment Portal (PEP) kay Rochelle, tinukoy niya ang suspek na tiyuhin ng mister ni Ruby Rose na pinaghihinalaan nilang mastermind sa pagpaslang sa kapatid.

May mensahe rin si Rochelle sa pamilya ng nabiktima raw ni Dueñas kamakailan, sa kaniyang Facebook post.

Aniya, hindi man daw maibigay ang katarungan para sa kaniyang kapatid, sana raw ay mapanagot pa rin ito sa panibagong krimeng kaniyang kinahaharap.

"Taos pusong pakikiramay sa pamilyang Pascaran, tulong-tulong tayo na magkaron ng hustisya ang pagkamatay ng inyong ama," aniya.

"Masasabi ko na maswerte parin sila dahil nadakip agad ang mastermind ng pagpatay sa mahal nila sa buhay. Tulad ng sinabi ko sa kanila kagabi, nung una hindi ko maintindihan bakit to nangyayari sa pamilya nmin. Habang lumilipas ang mga araw, siguro si Ruby Rose ang nag buwis ng buhay para mahinto ang kanilang kasamaan, para mabigyan din ng hustisya ang iba nilang biktima na walang kalaban laban."

"Hindi pa pala… sa tagal ng panahon akala ko nanahimik na sila. Pinag pasa Diyos na nmin kung ano ang kahihinatnan ng kaso ni Ruby Rose. Siguro isa rin si Tatay Pascaran sa nag buwis buhay para mabuksan ulit ang kaso ng kapatid ko at harapin nya ang ibat ibang kaso nya sa pangalang Victor Dueñas at James Dwight."

"Kung di man sa kaso ng kapatid ko sya mapaparusahan sa kanyang masamang gawain, Lord, please sana sa iba nyang biktima don magkaroon ng KATARUNGAN ang kanyang mga pinapatay."

"Sana lumantad na muli ang mga kamag anak ng pamilya nilang nabiktima ni Lope at pumunta na sa QCPD CIDU para i identify din na sya talaga si LOPE JIMENEZ."

"Magtulungan tayong lahat para sa mahal natin sa buhay. Tayo lang ang daan para magkaron sila ng HUSTISYA at matahimik na ang kanilang kaluluwa," aniya pa.