Ipinagpaliban ng National Basketball Association (NBA) ang dapat sana’y dalang bakbakang idadaaos sa homecourt ng dalawang koponan ng Los Angeles, bunsod ng malawakang wildfire sa California.
Inihayag ng NBA nitong Sabado, Enero 11, 2025 na hindi matutuloy ang bakbakan sa pagitan ng LA Lakers vs San Antonio Spurs at LA Clippers vs Charlotte Hornets.
"The NBA and the Clippers and Lakers organizations have been in communication with local officials in Los Angeles and Inglewood about the ongoing situation in the Los Angeles area and the game postponements ensure no resources will be diverted from the wildfire response efforts,” anang NBA.
Kaugnay nito, inilahad din ng pamunuan ng naturang liga na nag-donate na sila ng tinatayang $1 milyon USD sa American Red Cross, World Central Kitchen at iba pang mga organisasyon upang makatulong daw sa dinaranas na delubyo ng nasabing estado.
Samantala, wala pang inilalabas na rescheduled date ang NBA ng mga larong naapektuhan ng naturang postponement.
Matatandaang, kamakailan lang nang maging laman ng iba’t ibang news outlets ang patuloy na pagkalat ng wildfire sa California kung saan umabot na umano sa 11 katao ang nasawi dulot nito. Ilang imprastraktura na rin ang naiulat na nadamay dulot ng pahirapang pag-apula sa hindi pa tukoy na dahilan ng nasabing wildfire.