Umuugong ngayon ang pangalan ng nagpapakilalang Australian ng umano’y anak ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa ibang babae na si Analisa Josefa Corr matapos siyang kasuhan dahil panggugulo umano niya sa loob ng eroplano sa Australia nang lasing.
Napabalita nitong Biyernes, Enero 10, ang pagharap ni Corr sa korte ng Sydney, Australia dahil sa umano’y pananakit niya sa isang pasahero nang papalabas ito sa aircraft toilet sa sinasakyang Jetstar flight kasama ang kaniyang mister mula Hobart papuntang Sydney noong Disyembre 28, 2024.
MAKI-BALITA: 'Half-sister' ni PBBM, kinasuhan dahil nanggulo umano sa loob ng eroplano nang lasing
Ngunit, sino nga ba si Analisa Josefa Corr na nagpapakilalang half-sister ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.?
Ayon sa ulat ng international media outlets, inilarawan ng isang online biography si Corr, 53-anyos, bilang isang Australian interior designer, photographer at may-ari ng isang photography business na nakabase sa Gold Coast sa Queensland state sa northeastern Australia.
Ang ina ni Corr ay isang Australian model na nagngangalang Evelin Hegyesi.
Nagkaroon umano ng affair si Hegyesi at ama ni PBBM na si Marcos Sr. simula noong 1970s kung saan 19-anyos pa lamang ang babae.
Bukod dito, ang second name daw ni Corr na “Josefa” ay ang first name naman ng ina ni Marcos Sr. na si Josefa Edralin Marcos.
Samantala, nauna nang itinanggi umano ni PBBM na anak si Corr ng kaniyang ama at half-sister niya ito. Ayon sa kasalukuyang pangulo, sabi-sabi o “tsismis” lamang ito.
Matatandaang ikinasal sina Marcos Sr. at dating First Lady Imelda Marcos noong Mayo 1, 1954. Nagkaroon sila ng tatlong anak: sina PBBM, Senador Imee, at Irene.
Taong 1986 naman nang pinatalsik si Marcos Sr. sa puwesto ng pagkapangulo ng Pilipinas. Pumanaw siya habang naka-exile sa Hawaii noong 1989 sa edad ng 72.