“Hindi natapos ang laban noong 2022 elections…”
Ito ang pahayag ni dating Vice President Leni Robredo para kina dating Senador Bam Aquino at dating Senador Kiko Pangilinan na kumakandidato bilang mga senador sa darating na midterm elections ngayong taon.
Sa isang Facebook post nitong Biyernes, Enero 10, ibinahagi ni Robredo ang video ng campaign advertisement nina Aquino at Pangilinan para sa eleksyon sa Mayo 2025.
“Hindi natapos ang laban noong 2022 elections. Ngayong 2025, malaki pa din ang nakataya,” ani Robredo sa kaniyang post.
Hinikayat din ng dating bise presidente ang kanilang mga tagasuporta na “sama-samang kumilos” para sa dalawang senatorial aspirants simula sa panahon ng pangangampanya sa susunod na buwan.
“Sama sama uli tayong kumilos para kay Kiko at Bam mula sa Feb 10 hanggang sa eleksiyon sa Mayo,” saad ni Robredo.
Matatandaang naging running mates sina Robredo at Pangilinan noong 2022 national elections kung saan tumakbo sila bilang pangulo at bise presidente ng bansa, ayon sa pagkakabanggit. Samantala, naging campaign manager naman ni Robredo si Aquino sa naturang eleksyon.