Iginiit ni dating Senador Leila de Lima na dapat makinig na umano ang mga mambabatas sa taumbayan matapos lumabas sa survey ng Social Weather Stations (SWS) kamakailan na 41% ng mga Pilipino ang sang-ayon sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Matatandaang sa inilabas na Fourth Quarter 2024 survey ng SWS noong Enero 8, 2025, 41% ng mga Pinoy ang sang-ayon sa paghain ng grupo ng mga indibidwal ng impeachment complaint laban kay Duterte sa Kamara, habang 35% ang tutol dito.
Nasa 19% naman ang “undecided” habang 5% ang hindi pa alam ang isyu kaya’t hindi pa raw makapagbigay ng opinyon hinggil sa kung sang-ayon sila o tutol sa impeachment complaint laban kay Duterte.
MAKI-BALITA: 41% ng mga Pinoy, suportado ang pagpapatalsik kay VP Sara – SWS
“Malinaw na mas maraming Pilipino ang gustong ma-impeach si VP Sara,” reaksyon ni De Lima sa pamamagitan ng isang X post nitong Biyernes, Enero 10.
“Sana ay makinig ang mga Representante ng Kamara sa boses ng taumbayan at umpisahan na ang proseso ng impeachment,” saad pa niya.
Si De Lima ang tumayong tagapagsalita ng iba’t ibang civil society leaders na naghain ng unang impeachment complaint laban kay Duterte sa Kamara noong Disyembre 2, 2024.
MAKI-BALITA: Grounds ng impeachment laban kay VP Sara, inisa-isa ng civil society leaders
Habang isinusulat ito’y tatlong impeachment complaints ang nakahain sa Kamara laban kay Duterte.