Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa posibleng muling pagputok ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island matapos maiulat ang pagtaas ng ground deformation nito nitong Sabado, Enero 11.
Sa isang advisory, inihayag ng Phivolcs na nagtala ang ground deformation monitoring ng Kanlaon Volcano Network (KVN) ng matinding inflation o pamamaga ng gitna hanggang itaas na bahagi sa eastern edifice o katawan ng bulkan simula kahapon ng gabi, Biyernes, Enero 10.
“Electronic tilt recorded by the Upper Pantao Observation station (VKUP) at 1,056 m elevation on the eastern flank of the volcano showed an abrupt and sharp increase in inflationary tilt since 7:20 PM yesterday, 10 January 2025, indicating a sudden pressurization within the upper portions of the edifice,” anang Phivolcs.
“Electronic Distance Meter (EDM) measurements by Kanlaon Volcano Observatory have been tracking inflation of southeastern flank since the last week of December 2024 and deflation of the western flank since the first week of 2025,” dagdag nito.
Ang naturang ground formation ay may malaki raw na pagkakapareho sa naitala ng Phivolcs bago ang naging pagputok ng Kanlaon noong Disyembre 9, 2024, na naunahan din ng pagbaba ng SO2 emission.
MAKI-BALITA: Bulkang Kanlaon, itinaas na sa Alert Level 3!
Tinatayang 5,763 tonelada kada araw ang naging SO2 measurements ng Kanlaon nitong Biyernes, kung saan malapit daw ito sa average emissions na naitala simula nang mangyari ang pagsabog nito noong Hunyo 3, 2024, ngunit mas mababa naman sa 2,029 tonelada kada araw noong Huwebes, Enero 9, 2025.
“The overall parameters may indicate that the shallow magma conduit of the volcano is undergoing pressurization that may lead to an eruption broadly similar to the 9 December 2024 event,” saad ng Phivolcs.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng ahensya ang publiko na nakataas pa rin ang Alert Level 3 (magmatic unrest) sa Kanlaon.
“There is presently an increased chance for sudden explosive eruptions to occur and endanger communities at risk with life-threatening volcanic hazards,” saad ng Phivolcs.
Pinalilikas na rin ng ahensya ang mga komunidad na nasa loob ng six-kilometer radius ng summit crater ng bulkan dahil sa panganib ng pyroclastic density currents o PDCs, ballistic projectiles at ashfall, lava flows, rockfalls at iba pang hazards.
Maaari daw maapektuhan ng channel-confined lahar ang mga barangay ng La Castellana at Canlaon City na naapektuhan ng mga PDC, gayundin ang mga barangay sa ibaba ng mga ito lalo na ang mga nakaranas ng lahar at muddy streamflows noong Hunyo 2024 sakaling bumuhos ang malakas na ulan.
Dapat ding iwasan ng mga eroplanong lumipad malapit sa tuktok ng bulkan dahil maaaring mapanganib ang abo mula sa anumang biglaang pagsabog, ayon sa Phivolcs.
Pinayuhan din ng Phivolcs ang mga local government units (LGU) at DRRM councils na ihanda ang mga komunidad sa loob ng DOST-PHIVOLCS Pyroclastic Density Currents Hazard Map para sa potensyal na paglikas kung sakaling lumala pa umano ang pag-aalburuto ng bulkan.