Muling nakasama ng isang 81 na taong gulang na lola ang kaniyang pamilya matapos siyang akalaing pumanaw na sa loob ng mahigit tatlong dekada.
Ayon sa ulat ng Manila Bulletin noong Biyernes, Enero 10, 2025, tinatayang 39 taong nawala ang naturang matanda kung kaya't inakala raw ng kaniyang pamilya na pumanaw na ito.
Taong 1985 daw ng umalis ang matanda sa kanilang tahanan, at mula noon ay hindi na ito nakabalik pa sa kabila umano ng paghahanap ng kaniyang pamilya upang matagpuan siya.
Noong Nobyembre 15, 2024 pa raw nang masagip ng City Anti-Mendicancy Task Force ng Department of Social Services and Development (DSSD) ang nasabing matanda sa Barangay Cabug sa Bacolod, Negros Occidental.
Sa pamamagitan ng social media ay nagawang mahanap ng DSSD ang pamilya ng senior citizen at napag-alamang siya pala ay mula pa sa Zamboanga. Agad na nakipag-ugnayan ang DSSD sa Zamboanguita Social Welfare and Development at kamakailan lang ay tuluyan nang nai-turn over ang matanda sa kaniyang pamilya.