Sinuspinde ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang face-to-face classes sa public day care hanggang senior high school, kasama Alternative Learning System (ALS), at maging ang trabaho sa gobyerno sa Lunes, Enero 13, 2025, bilang pakikiisa raw sa "National Peace Rally" ng Iglesia Ni Cristo (INC).
Sa isang Facebook post nitong Biyernes, Enero 10, binanggit ng Quezon City government na “ang pangunahing sambahan na Templo Central at karamihan ng mga miyembro ay nasa Lungsod Quezon” kaya’t nagdesisyon itong ikansela ang face-to-face classes hanggang senior high school.
Inaasahan daw na magpapatuloy ang pag-aaral sa lahat ng pampublikong paaralan sa pamamamagitan ng alternative delivery mode (synchronous/asynchronous).
“Wala ring pasok sa mga opisina ng lokal na pamahalaan ng Quezon City, bagama’t tuloy ang online transactions sa pamamagitan ng https://qceservices.quezoncity.gov.ph/,” anang QC government.
“May pasok rin ang mga ahensya ng lokal na pamahalaan na nangangasiwa sa health services, disaster preparedness/response, law and order at iba pang essential services,” dagdag nito.
Ipinauubaya naman ng LGU sa pampribadong mga paaralan at kompanya ang pagpapasya kung sususpindehin din ng mga ito ang kanilang operasyon.
Nauna nang inanunsyo ng Malacañang nito ring Biyernes ang pagsuspinde nito ng mga klase sa lahat ng antas at trabaho sa gobyerno sa Lungsod ng Maynila at Pasay City sa Lunes dahil sa National Peace Rally ng INC.
MAKI-BALITA: Malacañang, sinuspinde klase, gov't work sa Maynila, Pasay sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC
Kamakailan lamang ay inanunsyo ng INC na magsasagawa sila ng malawakang peace rally upang pagbuklurin umano ang mga Pilipino at manawagan ng “peace and unity” sa bansa.
Bahagi rin umano ng naturang rally ang pagpapaabot ng suporta ng INC sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na “waste of time” lamang ang pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte sa puwesto.
MAKI-BALITA: INC, naghahanda ng rally para tutulan impeachment complaints laban kay VP Sara
MAKI-BALITA: PBBM, iginiit na 'waste of time' lang pag-impeach kay VP Sara
Habang isinusulat ito’y tatlong impeachment complaints ang nakahain sa Kamara laban kay Duterte.