Sa women’s correctional sinalubong ni Mary Jane Veloso ang kaniyang ika-40 kaarawan nitong Biyernes, Enero 10, 2025, matapos ang kaniyang pagbabalik bansa.
Matatandaang muling nakabalik ng Pilipinas si Veloso matapos ang halos 14 na taong pagkakakulong sa Indonesia at nasentensyahan ng bitay dahil umano sa pagkakasangkot niya sa ilegal na droga.
KAUGNAY NA BALITA: Mary Jane Veloso, may hiling matapos makabalik ng bansa: 'Gusto ko na makalaya ako'
Kaugnay nito, muli namang hiniling ng kaniyang mga taga-suporta ang pagpapalaya kay Veloso na anila’y nakasalalay daw kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Kinuwestiyon ni National Union of People’s Lawyers Chairperson Edre Olalia kung ano pa raw ang inaantay ng Pangulo sa kaso ni Veloso.
“On Mary Jane Veloso's 40th birthday, we ask, ‘What are you waiting for, Mr. President?” ani Olalia.
Giit naman ni dating Gabriela representative Liza Maza, ang mas malakas daw na panawagan para sa kaniyang paglaya ang regalo umano ng taumbayan para kay Veloso.
“Regalo ng taumbayan kay Mary Jane sa kanyang kaarawan ang lalong malakas na panawagan at pagkakaisa para sa kanyang paglaya,” ani Masa.
Samantala, ayon sa ulat ng ilang local media outlets, nasa women’s correctional na ang pamilya ni Veloso upang ipagdiwang ang kaniyang kaarawan, bitbit ang ilang mga larawan ni Veloso noon at mga regalo mula sa kanilang mga kaanak.