Kinasuhan ang umano'y half-sister ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. matapos akusahan ng pag-inom ng alak at panggugulo habang nasa isang flight mula Hobart papuntang Sydney sa Australia noong Disyembre 28, 2024.
Sa ulat ng internatonal media outlets, kasama ni Analisa Josefa Corr, anak daw umano ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ang kaniyang mister na si James Alexander Corr sa isang Jetstar flight.
Ayon sa Australia police, inakusahan si Analisa ng umano'y pananakit sa isang pasahero nang papalabas umano ito sa aircraft toilet, at habang nasa presensya ng alak o lasing.
Nang makalapag ang eroplano sa Sydney, inescort ng awtoridad ang mag-asawa at dinala sa malapit na police station at doon umano kinasuhan.
Nitong Enero 10, humarap umano ang mag-asawang Corr sa Downing Centre Local Court sa Sydney kung saan sila ay nakapagpiyansa, at napagkasunduan sa korte na ibabalik ang kanilang mga passport sa ilalim ng ilang kondisyon, kabilang dito ang hindi pag-inom o pagkonsumo ng alak sa mga paliparan ng Australia at sa loob ng eroplano.
Ayon sa international media outlets, si Analisa Josefa Corr ay anak umano ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa dating Sydney model na si Evelin Hegyesi.