Naospital ang 10 miyembro ng medical team nang mabangga ng isang dump truck ang sinasakyang nilang van pauwi galing sa duty sa Traslacion ng Jesus Nazareno, Biyernes, Enero 10.
Sa ulat ng mga local media, bandang alas-tres ng madaling araw nangyari ang insidente sa EDSA Muñoz nang pauwi na ang medicam team matapos ang kanilang duty.
Ayon sa imbestigasyon, nakahinto ang van sa U-turn slot nang mabangga ito ng dump truck. Sugatan ang lahat ng sakay ng van at agad na isinugod sa ospital.
Sa tindi ng banggaan, nabasag ang salamin sa likuran ng van at nasagi rin nito ang sasakyang nasa unahan. Bukod dito, nabasag ang headlight at bumper ng nakabanggang truck.
Samantala, sinabi ng truck driver, na tumangging magpakilala, patungo siya ng Bulacan nang makaidlip siya habang nagmamaneho.
“Napaidlip ako, hindi ko na napansin na nakatigil na ‘yung nasa harap ko. Mabagal lang [pagpapaandar ng truck] pero mabigat kasi ‘yung karga,” anang driver.
Saad ni MMDA Traffic Enforcer Lara May Nadayao na nag-u-u-turn ang van at hindi naman daw napansin ng truck driver na may sasakyan sa harapan niya dahil nga nakaidlip ito.
Samantala, dinala ang mga sangkot na sasakyan at driver sa QCPD Traffic Sector 6 para sa masusing imbestigasyon.