January 10, 2025

Home BALITA National

Petisyong taas-pasahe ng LRT-1, dedesisyunan ng DOTr sa loob ng 1-buwan

Petisyong taas-pasahe ng LRT-1, dedesisyunan ng DOTr sa loob ng 1-buwan

Nakatakda umanong desisyunan ng Department of Transportation (DOTr) sa loob ng isang buwan ang petisyong inihain ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) na humihingi ng taas-pasahe para sa Light Rail Transit Line 1 (LRT-1).

Nitong Huwebes ay nagsagawa ang Rail Regulatory Unit (RRU) ng DOTr ng public hearing hinggil sa naturang petisyon, na ginanap sa headquarters ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa Pasay City.

Layunin ng naturang hearing na marinig ang panig ng iba’t ibang stakeholders hinggil sa petisyon ng LRMC.

Inaasahan namang matapos ang 30-araw ay makapaglalabas na ng desisyon ang DOTr-RRU hinggil dito.

National

Andas ng Jesus Nazareno, tinutulak na lang!

Samantala, tiniyak naman ni DOTr Assistant Secretary for Railways Jorjette Aquino na sa paglalabas ng desisyon sa petisyon ay pakikinggan at ikukonsidera ng ahensiya ang lahat ng panig ng mga stakeholders.

Ayon kay Aquino, maaaring maaprubahan o maibasura ang petisyon, ngunit maaari rin naman aniyang hindi ang buong halagang hinihingi ng LRMC ang ipagkaloob dito.

Sakali aniyang hindi maaprubahan ang petisyon ay ititigil na ito doon.

Gayunman, kung maaprubahan ito ay kinakailangan muna itong ipalathala sa pahayagan ng tatlong magkakasunod na linggo bago tuluyang maipatupad ang bagong fare matrix sa loob ng panibagong 30-araw.

“If there is no fare increase, then it stops there but if the fare increase would be granted, for whatever amount, the petitioner is required to publish the decision in a newspaper for three consecutive weeks… after that, from the last publication date, the implementation of the new fare [matrix] would be in 30 days,” aniya pa.

Base sa petisyon, hinihiling ng LRMC, na siyang pribadong operator ng LRT-1, na makapagpatupad sila ng average na P7.48 na taas-singil sa pasahe kada pasahero.

Nabatid na ang kasalukuyang base fare para sa LRT-1 ay nasa P13.29 boarding fee at P1.21 increment per kilometer travel, na inaprubahan ng DOTr noong 2023.