Nagbago ang buhay ng 44-anyos na lalaki, na nakasuhan noon ng frustrated homicide, dahil kay Jesus Nazareno.
Isa si Maki Gonzales sa mga deboto ng Jesus Nazareno na nakiisa sa Traslacion nitong Huwebes, Enero 9.
Sa kaniyang panayam sa ABS-CBN News, ibinahagi ni Gonzales kung paano nabago buhay niya nang makakita siya ng imahen ng Jesus Nazareno.
"Pabalik-balik [ako] ng kulungan hanggang sa makakita ako ng Nazareno, nagbago buhay ko. Napalinya ako sa samahan ng mga lingkod hanggang sa nakita ko 'yong pagbabago ng buhay ko," saad ni Gonzales.
"Kailan lang na-stroke ako kaya lalong tumibay ang pananampalataya ko sa Jesus Nazareno. Ngayon, naka-rekober na ako," dagdag pa niya.
Enero 9 ang itinuturing na kapistahan ng Jesus Nazareno, milyong deboto ang dumadagsa sa umano'y milagrasong imahen. Bagama't may iba't ibang mukha ang pananampalataya, bitbit naman nila ang iisang paniniwala.
BASAHIN: Ang 400 taong kasaysayan ng Jesus Nazareno at ang pananampalataya ng mga Pilipino