Naglabas na ng pahayag ang direktor na si Darryl Yap hinggil sa pagsasampa ng kasong cyber libel ni "Eat Bulaga" host-comedian Vic Sotto dahil sa teaser ng upcoming movie niyang “The Rapists of Pepsi Paloma.”
Nitong Huwebes, Huwebes, Enero 9, nang matungo si Sotto sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) upang isampa ang 19 counts ng cyber libel laban kay Yap kaugnay ng teaser na inilabas kamakailan, kung saan tahasang binanggit ang pangalan ni Sotto bilang “nang-rape” umano kay Pepsi Paloma.
MAKI-BALITA: Vic Sotto, sinampahan na ng kaso si Darryl Yap kaugnay ng ‘Pepsi Paloma’ movie trailer
Ilang oras matapos nito, iniatas ng Muntinlupa RTC Branch 205 ang pag-isyu ng Writ of Habeas Data na nagpapatigil kay Yap sa pagpo-post ng teaser videos at maging sa paglalabas ng kaniyang upcoming film.
MAKI-BALITA: Muntinlupa RTC, pinatitigil si Darryl Yap na ipalabas ‘The Rapists of Pepsi Paloma’
Kaugnay, sa isang pahayag nito ring Biyernes ng hapon, sinabi ni Yap na agad nilang sasagutin ang reklamo kapag nakarating na raw ito sa kanila.
Giit din ng direktor: “lahat po ng materyal na aking inilabas o ilalabas ay nakadokumento—hindi ko po gawa-gawa para makapanira.”
“Wala pong personalan,naglalahad lamang po ako ng nangyari sa nakaraan na makikita sa mga nailathala noong 1980s. Naisapubliko naman po iyon.
“Maluwag po sa aking kalooban tanggaping ang isinampang kaso ni Vic Sotto- Malaya naman po ang kahit na sino magsampa ng kaso-gaya po ng naisampang rape case noon ni Pepsi Paloma laban sa kanya na siya pong natatanging laman ng teaser. [N]asa caption din po ng post na inurong ang kaso. Hindi po tayo nagkulang,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din ng direktor na wala umano siyang sinabing si Sotto ang pinatutungkulan ng pamagat ng kaniyang pelikula at mahalaga raw na panoorin muna nila ang kabuuan nito.
“Wala po akong sinabing Si Vic Sotto ang pinatutungkulan ng Title ng Pelikula—
Sila lang po ang nagsabi nyan. Mahalagang mapanood muna nila ang buong Pelikula,” saad ni Yap.
Matatandaang naging usap-usapan ang teaser ng “The Rapists of Pepsi Paloma” kung saan mapapanood ang eksena nina Gina Alajar, na gaganap bilang ang namayapang si Charito Solis, at Rhed Bustamante na gaganap bilang Pepsi Paloma.
"Ipaliwanag mo sa akin, magsabi ka sa akin, ipaliwanag mo dahil hindi ko naiintindihan! Pepsi, sumagot ka! Ni-rape ka ba ni Vic Sotto?" tanong ni “Charito Solis.”
"Oo!" sagot naman ni “Pepsi Paloma.”
Pagkatapos nito, mababasa rin sa naturang clip ang katagang: "NAGSAMPA NG KASONG RAPE SI PEPSI PALOMA LABAN KAY VIC SOTTO NOONG AUGUST 17, 1982."
MAKI-BALITA: Vic Sotto, trending matapos mabanggit sa teaser ng 'The Rapists of Pepsi Paloma'