January 10, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Babaeng may PCOS na deboto ng Poong Nazareno, biniyayaan ng anak

Babaeng may PCOS na deboto ng Poong Nazareno, biniyayaan ng anak
Photo Courtesy: Ralph Mendoza/Balita

Tila biyaya raw mula sa Poong Nazareno ang nag-iisang anak na babae ni Freza Dagumduman, 28-anyos, residente sa Maynila at 12 taon nang deboto.

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Freza kung paano nagsimula ang pagbubuntis niya sa kaniyang panganay.

Paglalahad niya, “Year 2019, hindi ako alam na buntis na ako sa kaniya. Pang-ilang salang ko na ‘to [sa Traslacion]. Sumasalang din kasi ako dati. Noong January na ‘yon, hindi ko pa alam na buntis ako.”

“Tapos weeks after no’ng devotion, nalaman ko po na buntis ako. So, blessing po ito ni Poong Nazareno.” dugtong pa niya.

Human-Interest

Babae, bored na makipag-jugjugan sa jowa; hindi na kasi siya niroromansa

Batay sa kuwento ni Freza, hiniling daw niya talagang magkaroon ng anak sa Poon dahil na-diagnose siya noong high school ng PCOS [Polycystic ovary syndrome].

Ang PCOS ay isa umanong ng hormonal condition na nakakaapekto sa reproductive age ng kababaihan at nagiging sanhi ng kanilang irregular periods, paglaki ng obaryo, at iba pa.

Kaya naman, sa kauna-unahang pagkakataon, isinama niya ngayong taon ang kaniyang anak sa kapistahan ng Nazareno.

“Mas naiinggit ako sa anak ko kasi simula bata ako hindi ako nakakasama sa ganito. Siyempre natatakot ‘yong magulang ko, e,” saad ni Freza.

Dagdag pa niya, “Sabi ko sa anak ko kanina, napakaswerte mo kasi no’ng ganyang edad mo ko, umiiyak ako sa magulang ko para lang sumama pero hindi talaga.”

Ayon kay Freza, ang pamamanata raw sa Poong Nazareno ay ipinamana pa sa kaniya ng kaniyang magulang. Kaya tiyak na ipapasa rin daw niya ito sa anak niya.