January 10, 2025

Home BALITA National

Advincula sa mga deboto ng Jesus Nazareno: ‘Ang nagmamahal sa Diyos ay sumusunod sa Diyos’

Advincula sa mga deboto ng Jesus Nazareno: ‘Ang nagmamahal sa Diyos ay sumusunod sa Diyos’
(Photo courtesy: Manila PIO/FB)

Pinaalalahanan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga debotong Katoliko na huwag umasa sa mga makamundong bagay, bagkus ay palaging isabuhay ang mga turo ng Panginoon sa gitna ng pagdiriwang ng Pista ng Jesus Nazareno.

Sa kaniyang homiliya sa ginanap na midnight Mass para sa Feast of Jesus Nazarene sa Quirino Grandstand nitong Huwebes, Enero 9, na inulat ng CBCP News, ipinahayag ni Advincula sa mga dumalong deboto na palaging sundin ang turo ni Jesus Nazareno at huwag gawing “diyos” ang pera.

“Ang pagsunod ang tanda ng pag-asa. Kung ano ang sinusunod natin, 'yun talaga ang inaasahan natin,” ani Advincula.

“Kung naghahandog tayo sa Señor, pero sumusunod naman tayo sa pera, ibig sabihin pera talaga ang inaasahan natin. Kung nagdedebosyon tayo sa Señor, pero sumusunod naman tayo sa masamang tao, ibig sabihin masamang tao talaga ang inaasahan natin. Kung namamanata tayo sa Señor, pero sumusunod naman tayo sa bisyo, ibig sabihin bisyo talaga ang inaasahan natin. At kapag susunod tayo sa pera, sa masamang tao, sa bisyo, o sa anumang bagay ng mundo, mabibigo lamang tayo. Madidismaya lamang tayo,” dagdag niya.

National

Andas ng Jesus Nazareno, tinutulak na lang!

Paalala pa ng arsobispo: “Ang nagmamahal sa Diyos ay sumusunod sa Diyos. Ang umaasa sa Diyos ay sumusunod sa Diyos.”

“Kung tunay tayong deboto, kung totoong mahal natin ang Poong Hesus Nazareno, maging masunurin tayo sa kaniya. Gayahin natin Siya na masunurin sa Ama magpasahanggang kamatayan,” saad ni Advincula.

Ang naturang midnight mass na pinasinayaan ni Advincula ay nangyari bago ang pagsisimula sa Traslacion, isang prusisyon ng imahen ni Jesus Nazareno mula Quirino Grand Stand hanggang Quiapo Church na taun-taong dinadaluhan ng milyon-milyong mga deboto.