Pumalo sa ₱16 trillion ang kabuuang utang ng gobyerno ng Pilipinas noong katapusan ng Nobyembre 2024 dahil umano sa pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar.
Ayon sa datos mula sa Bureau of the Treasury (BTr), lumabas na pumalo na sa ₱16.09 trillion ang utang gobyerno, mas mataas ng 0.4% o ₱70.60 billion mula noong Oktubre 2024.
Ayon sa Treasury, ang pagtaas ay maaaring maiugnay sa net financing at pagbaba ng halaga ng piso, na nagpapataas ng halaga ng US dollar-denominated debt. Ito ay humina nang pumalo sa ₱58.60 ang halaga ng piso kontra dolyar noong Nobyembre 2024 kumpara sa ₱58.2 noong Oktubre 2024.
Sa pagtatapos ng Nobyembre 2024, ang domestic debt ay umabot sa ₱10.92 trillion, mas mataas ng 0.3% o ₱31.82 billion kumpara sa katapusan ng Oktubre 2024.
Ang pagtaas na ito ay dahil sa ₱30.67 billion net issuance ng domestic securities at ang ₱1.15 billion na epekto ng pagbaba ng halaga ng piso sa US dollar-denominated domestic debt.
Samantala, ang foreign debt naman ng Pilipinas ay tumaas ng 0.8 % o ₱5.17 trillion mula sa katapusan ng Oktubre 2024.
Ayon sa ilang mga ulat, nasa ₱12.89 trillion ang utang ng Pilipinas nang maupo sa puwesto si Pangulong Bongbong Marcos noong Hulyo 2022.