January 09, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Rufa Mae sa kaso niya: 'Biktima rin ako... Go, go, go, basta hinaharap!'

Rufa Mae sa kaso niya: 'Biktima rin ako... Go, go, go, basta hinaharap!'
Photo courtesy: Screenshot from GMA Integrated News (FB)

Ipinagdiinan ni Kapuso comedy actress Rufa Mae Quinto na inosente siya sa kasong isinampa laban sa kaniya kaugnay ng 14 counts na paglabag sa securities regulation code, at biktima lamang din siya kaya haharapin niya ang demanda laban sa kaniya.

Ngayong araw ng Miyerkules, Enero 8, umuwi ng Pilipinas si Rufa Mae mula sa US para harapin ang warrant of arrest na inisyu laban sa kaniya ng Pasay court.

Sakay si Rufa Mae ng isang eroplano mula sa Philippine Airlines (PAL).

Sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 pa lamang ay naghihintay na sa kaniya ang mga kinatawan ng National Bureau of Investigation (NBI) at ineskortan siya patungong korte.

Tsika at Intriga

Xian Gaza sa pagsampa ng kaso ni Vic kay Darryl: 'Sana linawin na rin kung ano ba talaga nangyari'

Sa panayam kay NBI Chief Jimmy De Leon, nakipag-ugnayan daw sa kanila ang abogado ni Rufa Mae para sa boluntaryong pagsuko nito.

Sumailalim daw sa medico-legal si Quinto bago dalhin sa Pasay court.

MAKI-BALITA: Rufa Mae Quinto umuwi ng Pinas, sumuko sa NBI

Sa panayam naman ng ABS-CBN News kay Atty. Mary Louise Reyes, maging si Rufa Mae ay hindi pa raw nababayaran ng Dermacare kaya iyon daw ang aasikasuhin niya pagkatapos ng kasong kinahaharap ng kliyente.

Ayon pa sa abogado, sumama raw ang pakiramdam ng kliyente habang pinoproseso ang kaniyang bail requirements, dulot na raw marahil ng jet lag at ang mga emosyong kaakibat ng kaniyang pinagdaraanan ngayon, kahit na sabihing inosente pa raw si Rufa Mae.

Bumalik sa pasilidad ng NBI ang komedyante para magpa-check up sa doktor matapos makaranas ng pagkahilo at pagsusuka.

Bukas daw ay inaasahang mapoproseso na ang pagpiyansa ni Rufa Mae sa halagang ₱1.7M para sa kasong 14 counts ng paglabag sa Securities Regulation Code.

MAKI-BALITA: Abogado ni Rufa Mae: 'My client is a victim!'

Sa eksklusibong panayam naman ng GMA Integrated News kay Rufa Mae, iginiit niyang inosente siya sa mga ibinibintang laban sa kaniya.

Nagawa pang daanin sa biro at hirit ng komedyana ang kaniyang kalagayan.

"Biktima din po tayo kaya lahat haharapin. Go, go, go, basta hinaharap. Saka hindi maganda kasi reputasyon na yung sinisira kaya humaharap ako para i-clear ko yung name ko, di ba?" aniya.

Natanong din si Peachy (palayaw ni Rufa Mae) kung magsasampa rin siya ng kontra-demanda sa mga taong naging dahilan kung bakit siya nasangkot sa kasong ito.

"Pag-iisipan namin kung may isip pa ako," aniya.

"Hindi, tapusin muna to, isa-isa lang. Kasi kadarating ko lang from the airport, from the U.S., so one by one, step by step."

Sa mas seryosong mode, sinabi ni Rufa Mae na hindi siya ang dapat habulin at hanapin ng mga awtoridad kundi ang mismong may-ari ng Dermacare na hindi mahagilap sa ngayon.

"Alam mo, sa totoo lang, ang hanapin nila ang may ari, 'yon 'yong talagang may-ari. Saka wala naman akong kinalaman sa kanila. Di ko naman sila na-meet or nakilala."

Sa katunayan nga raw ay tumalbog pa ang mga inisyung tseke sa kaniya bilang kabayaran sa pagiging endorser.

Tumutugma ito sa sinabi ng legal counsel na hindi pa siya nababayaran ng may-ari ng Dermacare, dahil kinansela rin ang kanilang kontrata, bukod nga sa nagtalbugan ang mga tsekeng ibinigay sa kaniya.

Matatandaang nasangkot din sa demanda ang tinaguriang "wais na misis" na si Neri Naig Miranda, na nakapagpiyansa bago mag-Pasko.

MAKI-BALITA: Neri Naig, pinalaya ng korte —lawyer