Nagkusang sumuko ang Kapuso comedy actress na si Rufa Mae Quinto sa mga kinatawan ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng warrant of arrest na iniisyu sa kaniya, sa kasong isinampa naman laban sa kaniya sa Pasay court.
Sa ulat ng GMA News, Miyerkules, Enero 8, dumating sa Pilipinas si Rufa kasama ang kaniyang team bandang madaling-araw, at sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) pa lamang ay naghihintay na sa kaniya ang mga kinatawan ng NBI.
Sa panayam kay NBI Chief Jimmy De Leon, nakipag-ugnayan daw sa kanila ang abogado ni Rufa Mae para sa boluntaryong pagsuko nito.
Sumailalim daw sa medico-legal si Quinto bago dalhin sa Pasay court.
Nahaharap ang komedyante sa kasong kagaya ng kinahaharap ng dating aktres na si Neri Naig Miranda, dahil umano sa paglabag sa Securities Regulations Code ng ineendorso nilang "Dermacare."
Iginiit naman ni Rufa Mae na nakahanda siyang harapin ang kaso at malinis ang kaniyang konsensya.
MAKI-BALITA: Rufa, nagsalita na; itinanggi ang kasong ibinibintang sa kaniya
MAKI-BALITA: Rufa Mae, sinilbihan ng warrant of arrest–lawyer