Hinangaan ng mga netizen ang mag-asawang sina "Donalyn at Dexter” nakapagpundar ng sariling bahay dahil sa kanilang pagsusumikap at pagkamadiskarte sa buhay.
Sa pagtatampok ng "Good News" ni Vicky Morales sa GTV na may pamagat na "Bagong Taon, Bagong Bahay!" dahil daw sa tiyaga at pagpupursige sa buhay ng mag-asawang Frias, nakabili sila ng bagong bahay na matutuluyan sa Cabuyao, Laguna.
Dahil high school lang ang natapos ni Dexter, ang pangangalakal na raw ng basura ang kaniyang naisip na pasuking trabaho. Ang baho at alinsangan ay naging bahagi na raw ng kaniyang araw-araw na buhay.
“Mahirap din po na maghawak ng basura—mabubog pag wala kang guantes, minsan nagkakasakit ka ‘pag nalanghap mo ang masamang amoy,” kuwento ni Dexter.
Sa kabila nito, madalas ang kinikita ni Dexter ay hindi sapat para maitaguyod ang kaniyang pamilya lalo pa noon na nakikitira lamang sila sa isang barong-barong.
“Dito lang po kami sa garahe namin, parkingan ng truck nakatira, walang kuryente, walang tubig. Bumibili lang kami dito sa labasan,” salaysay ni Dexter.
Masakit daw ang mga pangyayaring ito para kay Dexter dahil nagsisimula na silang bumuo ng pamilya sa mga panahong ito.
“Masakit sa’kin bilang magulang, na wala akong mabili, mabigay sa kanila kahit na pangkain kaya kahit sa hirap ng buhay kinaya ko, makaraos lang sila,” aniya.
Gayunpaman, nanatiling tanglaw ng kaniyang buhay ang asawang si Donalyn.
“Sabi niya po kahit mabagal, basta tayong dalawa lang ‘yung magsasama—unti-unti aangat din tayo,” pahayag ni Donalyn.
Si Dexter ay nagdoble-kayod daw noon, itinuloy pa rin ang pagiging basurero, habang si Donalyn naman ay pumapasok ng iba’t ibang raket o pagkakakitaan gaya na lamang ng pagtitinda ng kakanin at pagiging delivery rider.
“Imbes na bungangain ko siya araw-araw kada sweldo kulang, bakit hindi ko na lang tulungan?” aniya.
Naniniwala si Donalyn na hindi lang daw lalaki ang may kakayahang gawin ang challenging job kaya napagdesisyunan niyang pasukin ang pagiging delivery rider.
“Naisip ko po since may motor naman ako, may mga delivery riders, bakit hindi ko po subukan? Kasi sabi po nila noong una, maganda raw po yung kita, maayos po tapos triny ko po,” kuwento niya.
Sa paghahakot ng basura at pagtanggap ng mga booking mula sa tagpi-tagping barong nakalipat na ang pamilya Frias sa isang desenteng bahay na kanilang inuupahan.
“Nakatira na po kami kahit papaano sa isang desenteng bahay, may sarili ng kuryente, tubig, may internet na rin po, may aircon na rin po, kama na rin. Hindi man po kasing bongga ng iba pero sa sarili ko lahat ng iyon ay aming pinaghirapan,” pagbabahagi ni Donalyn.
Pero higit dito ang pangarap ng mag-asawa, ito ang pagkakaroon ng sarili nilang bahay. Kaya naman lalo pa silang nagsumikap upang maabot ang kanilang goal.
Ibinahagi ng mag-asawa na ang lahat daw ng sweldo ni Dexter ay iniintrega kay Donalyn at ito raw ang nagba-budget.
“May nagsabi po sa amin na gusto mong magka-bahay? Ang ginagawa namin, siya po lahat ng sweldo na sa akin, with payslip pa po iyon. Ako po lahat nakalista. Ang ginagawa ko po bayad po ng bahay akinse, bayad po ng bahay sa Laguna sa katapusan nakadetalye po iyon,” kuwento ni Donalyn.
Kahit na nag-iipon para sa bahay, hindi pa rin nila napapabayaan ang edukasyon ng kanilang mga anak. Hindi man daw nakapagtapos ang mag-asawa pinapangako nilang hindi ito mararanasan ng kanilang mga anak.
Sa katunayan, ang kanilang panganay na si Andrea Frias na anak ay aspiring flight attendant. Aniya, hindi naman daw dapat ikahiya ang trabaho ng ama niya, at proud siya sa ginagawa nito.
Samantala, naghandog naman ng maagang surprise housewarming gift ang Good News TV para sa pamilya Frias.
Mariah Ang