January 09, 2025

Home BALITA National

Kapag nahalal bilang senador: Pangilinan, tututok sa pagpapababa ng presyo ng pagkain

Kapag nahalal bilang senador: Pangilinan, tututok sa pagpapababa ng presyo ng pagkain
photo courtesy: Kiko Pangilinan/FB

Tututukan ni senatorial aspirant Kiko Pangilinan ang pagpapababa ng presyo ng pagkain sakaling mahalal bilang senador sa 2025 elections.

Sa panayam sa Harapan 2025 ng ABS-CBN, binigyang-diin ni Pangilinan na itutulak niya ang mahahalagang reporma na gaya ng kaniyang ipinatupad bilang food security secretary noong administrasyong Aquino mula Hunyo 2014 hanggang Setyembre 2015 upang mapababa ang presyo ng pagkain.

“Nilabanan natin itong mga nagsasamantala, tiniyak natin ang sapat na supply ng bigas ay nasa merkado, umaabot sa ating mga kababayan, at napababa ang presyo ng bigas,” sabi ni Pangilinan.

“It can be done. We've done it before. Nilabanan natin ang smuggler, nilabanan natin ang hoarder, sinampahan natin ng kaso, sinuspinde natin atin ang mga opisyal ng pamahalaan na nakikipagsabwatan,” dugtong pa niya.

National

Halaga ng piso, inaasahang hihina sa bagong record-low kontra dolyar

Kapag nanalong senador sa 2025, sinabi ni Pangilinan na handa siyang makipagtulungan sa administrasyong Marcos upang matulungang mapababa ang presyo ng mga bilihin at maibsan ang kahirapan.

“Unang-una, walang kulay ang gutom, walang kulay ang kahirapan. Simple lang ang hinihingi ng ating mga kababayan, magkaroon ng abot-kamay na pagkain. Isasantabi natin lahat ng pulitika para magkaroon ng solusyon ang gutom,” ani Pangilinan.

Samantala, sinabi ni Pangilinan na sasandal siya sa kaniyang malinis na track record at magandang trabaho bilang mambabatas at food security secretary sa kaniyang hangaring manalo muli bilang senador.

“Ni minsan, hindi tayo nasangkot sa anumang kaso ng anomalya. Kung nais natin na talagang ang gobyerno ay magserbisyo nang tapat at totoo at mapunta iyong biyaya sa ating mga kababayan, dapat tapat at totoo at may track record at may resibo,” wika ng dating Senador.

“Pangalawa, meron tayong kakayahan, napatunayan na natin, may resibo tayo. We were able to pass a lot of laws na nagbe-benepisyo sa ating mga kababayan na hindi kailangang maging kurakot,” dagdag pa niya.