Usap-usapan ng mga netizen ang Facebook post ng direktor na si Darryl Yap matapos niyang ibahagi ang larawan nila ng dalawang kapamilya ng pumanaw na sexy star na si Pepsi Paloma.
Ayon sa Facebook post ni Yap na nasa likod ng pelikulang "The Rapists of Pepsi Paloma," ang kuwento nila ang naging batayan ng ilang mga detalye sa nabanggit na biopic movie.
Ipinakilala ng direktor ang kapatid na lalaki ni Pepsi na si "Zaldy" at ang nanay namang si "Lydia."
Sa mahabang panahon daw, ang mga "sikat" at "makapangyarihan" lamang daw ang naringgan ng panig tungkol sa tunay na trahedyang nangyari sa sexy star.
Sa pagkakataong ito, mas bigyang-boses daw ang mga taong nanahimik at mas malapit kay Pepsi.
"Bigyan natin ng pagkakataon ang Inang nanahimik nang napakatagal na panahon, ang Inang matapos mawalan ng anak ay patuloy na nasasaktan sa mga paratang at panghuhusga," anang Yap.
"Tapos na ang pananahimik ng nakababatang kapatid ni Pepsi, na noo’y 15 years old lamang, kasama ng aktres hanggang sa mismong araw na siya ay natagpuang walang buhay sa loob ng aparador."
"Mananahimik ang Kasinungalinan dahil walang Kamatayan ang Katotohanan."
"Sila naman ang magsasalita, Sila naman ang magkukwento. PAMILYA. HIGIT SA LAHAT."
Sa comment section, may pahabol na komento ang direktor.
"Palag?" aniya.
Maaaring sagot ito ng direktor sa mga kumukuwestyon kung sino ang reference niya o napagtanungan niya tungkol sa buhay ni Pepsi.
Isa na nga rito ang kapwa sexy star noong 80s na si Sarsi Emmanuelle, na isa sa mga tinaguriang "Softdrinks Beauties."
MAKI-BALITA: Darryl Yap, sinoplak si Sarsi Emmanuelle: 'Wag mo ko palalabasing sinungaling!'
Agad naman itong binara ni Yap at sinabihan si Sarsi na maghintay na mapanood ang pelikula.