‘Ika nga nila, may iba't ibang mukha ang Quiapo—maingay, siksikan, puno ng mga paninda—pero madalas, sentro ng debosyon at pananampalataya.
Enero 9 ang itinuturing na kapistahan ng Jesus Nazareno, milyong deboto ang dumadagsa sa umano'y milagrasong imahen. Bagama't may iba't ibang mukha ang pananampalataya, bitbit naman nila ang iisang paniniwala.
Ang pagdating at pananatili ng imahen ng Jesus Nazareno sa bansa
Pinaniniwalaang taong 1606 nang dumating sa bansa ang imahen ni Jesus Nazareno, na umano’y dala ng mga Augustinian Recollects mula sa Mexico. Inilagak daw ito sa noo’y simbahan ng mga Recoletos sa Luneta.
Habang 1608 naman nang ilipat ang imahen sa mas malaki at noo’y pomosong simbahan ng Recoletos sa Intramuros. Ito ang nanatiling tahanan ng Jesus Nazareno, kasabay ng patuloy na lumalaking bilang ng mga deboto nito.
Kaya naman upang bigyan daw ng mas malawak na lugar ang debosyon ng mga mananampalataya, taong 1767-1786 nang ipag-utos ni noo’y Archbishop Basilio Sancho de Santa Justa y Rufina ang paglipat ng imahen mula Intramuros papuntang Quiapo Church.
Ayon sa tala, taong 1987 nang pagbigyan daw ni noo’y Pope John Paul II ang hiling ni Jaime Cardinal Sin na kilalanin ang Quiapo Church bilang Basilika Menor at Pambansang Dambana ni Jesus Nazareno, na siyang kinikilala hanggang sa kasalukuyan.
Ang taunang Traslacion sa imahen ng Jesus Nazareno
Sa paglipas ng panahon, lumago ang bilang ng mga deboto ng Jesus Nazareno mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Kadikit ng salitang “deboto” ng Nazareno ay ang umano’y kani-kanila raw kuwento ng himala mula rito.
Taong 2006 nang magsimulang magkaroon ng Traslacion, bilang pagbabalik-tanaw sa paglipat ng imahen ng Jesus Nazareno mula Intramuros papuntang Quiapo. Ito na ang nakilalang taunang prusisyon ng Jesus Nazareno na dinadaluhan ng milyong mga deboto, sa pag-asang makahawak sa lubid ng andas o hindi naman kaya’y makahawak daw sa imahen nito.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Ruta para sa Traslacion sa pagdiriwang ng Feast of Jesus Nazareno
Ang himala ng Jesus Nazareno
Maraming deboto na ang nagpatotoo sa mahimalang imahen ng Jesus Nazareno. Katunayan, maging ang ilang mga personalidad at artista ay nagpatotoo na rin sa mga himala raw na kanilang naranasan mula sa kanilang debosyon dito. Mula sa kwento ng kagalingan, agaw-buhay na pakikibaka at pagbabagong-buhay, lumago at lumalim daw ang paniniwala ng mga Pilipino sa Jesus Nazareno.
KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Mga artistang deboto ni Jesus Nazareno