Pumanaw ang Southeast Asian Games multi-medalist na si Mervin Guarte matapos umanong pagsasaksakin sa dibdib sa Calapan City, Oriental Mindoro nitong Martes ng madaling araw, Enero 7.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, natutulog si Guarte nang pagsasaksakin umano ng hindi pa nakikilalang salarin.
Nangyari raw ang insidente sa bahay ng mismong kaibigan ng biktima na si Barangay Kagawad Dante Abel na matatagpuan sa Sitio Pinagkaisahan sa Barangay Camilmil, Calapan City.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, dumayo umano si Guarte sa naturang lugar para makipag-inuman mula noong Lunes ng gabi hanggang kinabukasan, alas-tres ng umaga.
Sinubukan pa raw isugod sa ospital si Guarte matapos ang insidente, ngunit binawian din ng buhay kalaunan.
Bagama’t narekober na ng mga imbestigador sa lugar ang kutsilyong ginamit sa krimen, patuloy pa rin umano ang pakikipag-ugnayan ng Philippine National Police (PNP) upang matukoy ang mga suspek.
Samantala, naghayag naman ng pagkondena si Governor Bonz Dolor sa pamamaslang sa nasabing atleta.
“Hindi matitinag ang aming panawagan para sa katarungan, at patuloy naming hinahangad na mapanagot ang mga responsable sa krimeng ito,” saad ng gobernador.
Dagdag pa niya, “Maraming maraming salamat sa karangalan at pagmamahal mo sa Bayan. Saludo kami sa iyo.”
Matatandaang nasungkit ni Guarte noong 2023 ang gintong medalya sa SEA Games sa men’s team relay at nang sumunod na taon ay naiuwi niya ang kampeonato sa men’s beast 21 km sa ginanap na 2024 Spartan Asia Pacific Champion.
Bukod dito, nagsisilbi rin siya bilang miyembro ng Philippine Air Force na nakadestino sa Fernando Airbase, Lipa City.